SA ideyal na paraan, ang lahat ng proyekto ng gobyerno ay dapat na planuhin at masusing paghandaan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, alinsunod sa mga pangmatagalang programa at sa mga pangunahing pangangailangan sa kasalukuyan. Partikular na totoo ito sa mga proyektong imprastruktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Subalit dahil inaprubahan ng Kongreso ang pambansang budget alinsunod sa constitutional “power of the purse” nito, naniniwala ang mga kongresista at senador na hindi sila dapat na balewalain sa pagpaplano at pagpopondo sa mga proyekto. Kaya sa aktuwal na mga pangyayari, binibigyan sila ng tungkulin sa budget proceedings upang makuha ng kani-kanilang distrito ang mga proyektong kinakailangan — gaya ng kalsada, tulay, gusaling pampaaralan, at iba pa.
Noon ay pinaglalaanan ang mga ganitong proyekto sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), kung saan ang bawat kongresista ay may P70 milyon halaga ng proyekto para sa kanyang distrito, habang P200 milyon naman ang para sa bawat senador. Subalit noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na labag sa batas ang prosesong ito; maaari lamang aprubahan ng mga mambabatas ang budget, hindi sila dapat makialam sa pagpapatupad at pagbabayad sa alinmang proyekto.
Nagawan ito ng paraan ng mga pinuno at kasapi ng Kongreso. Hiniling sa mga miyembro na magsumite ng kani-kanilang panukala para mapabilang sa budget ng DPWH. Sa opisyal na proseso, hindi na dapat na makialam ang mga mambabatas sa implementasyon ng mga proyekto. Sapat nang maipatupad ang nasabing mga proyekto para mapakinabangan ng kani-kanilang nasasakupan.
Noong nakaraang linggo, nabutasan na ang epekto ng special arrangement na ito nang madiskubre ng ilang kongresistang oposisyon na ang mga ipinanukala nilang proyekto ay hindi kasama sa 2018 General Appropriations Act na inaprubahan ng Kongreso. Sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez na kinailangang ilaan sa iba ang ilang bahagi ng pondo dahil sa mga bagong programa, tulad ng libreng matrikula sa kolehiyo at dagdag-suweldo sa pulisya at militar. Prangka naman niyang inamin na ang mga kinakailangang pondo ay kinuha mula sa mga proyekto ng 24 na “undesirable” na mambabatas mula sa oposisyon.
Matagal nang iginigiit ni Sen. Panfilo Lacson na ang panukalang pambansang budget para sa 2018 ay mayroon pa ring “pork barrel“ funds, at hiniling kay Pangulong Duterte na i-veto ang mga ito. Aniya, pinaniwala siya na ang 2018 National Budget ay magiging “pork-free”, at sinabing nadagdagan ng P11 bilyon ang budget ng DPWH.
Ang kaguluhan sa paglalaho ng ilang pondo para sa ilang kongresista ng oposisyon at ang komento ni Speaker Alvarez na “that’s life” ay mistulang nagkumpirma na nananatili pa rin ang “pork barrel” sa General Appropriations Act. Subalit gaya ng binigyang-diin, kailangang mapakinggan ang panig ng mga kasapi ng Kongreso sa paggastos ng gobyerno.
Kailangan nating matiyak na walang labis-labis na alokasyon, at ang pondo ay alinsunod sa mga plano ng gobyerno, at hindi ginagamit upang gipitin ang minoryang oposisyon, upang epektibong maisakatuparan ang lehitimo nitong tungkulin sa pagsubaybay at pagbabalanse kapangyarihan ng mayorya.