Ni Jun Fabon

Tatlong katao ang nasawi habang isa ang malubha sa magkahiwalay na sakuna sa Mindanao Avenue, sa Quezon City kahapon.

Sa ulat ni Police Supt. Cipriano L. Galanida, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), binabaybay ng hindi pa nakikilalang mag-asawang sakay sa motorsiklo ang kahabaan ng Mindanao Avenue patungo sa direksiyon ng Munoz, Quezon City, dakong 3:50 ng madaling araw.

Ayon sa Traffic enforcer na si Ismael Mateo, pagkaliwa ng mag-asawa sa Congressional Avenue ay bigla na lamang sumulpot ang rumaragasang bus, na minamaneho ni Danilo Dela Cerna, at nasagasaan at pumailalim sa bus ang mag-asawa na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

National

ALAMIN: Mga paunang lunas para sa sugat na dulot ng paputok

Samantala, agad binawian ng buhay si Carlo Tagpin Tagayluan, ng Banlat, Quezon City, habang sugatan ang angkas niyang si Ferdinand Jimenez matapos sumalpok ang kinalululanan nilang motorsiklo sa Mindanao Avenue, kamakalawa ng gabi.

Base sa report na ipinarating kay Galanida, matulin umanong binabaybay nina Tagayluan at Jimenez ang kahabaan ng Mindanao, dakong 11:00 ng gabi.

Pagsapit sa may underpass sa Quirino Highway, sumalpok ang motorsiklo sa konkretong pader na ikinasawi ni Tagayluan.