NANG ipagbawal ng mga awtoridad ang Sunday School sa timog-silangan ng lungsod ng Wenzhou sa China, determinado ang mga Katolikong magulang na kailangang matutuhan ng kanilang mga anak ang Bibliya, at makilala si Hesukristo.
Nagsimulang magturo ang mga Simbahan sa Wenzhou sa mga bata sa loob ng mga bahay ng mga ito at iba pang pribadong lugar. Kinilala ng iba ang Sunday School bilang day care, hindi pang-edukasyon, o ipinalilipat ito sa Sabado, sinabi ng mahigit 10 Kristiyano sa Reuters.
Ang Wenzhou, kilala rin bilang “China’s Jerusalem” dahil sa maraming Kristiyano roon, ay nakapagitna sa tumitinding gusot sa pagitan ng pamunuan ng China at ng pagnanais ng bansa na magkaroon ng relihiyosong edukasyon para sa kanilang mga anak.
Pinaigting ng atheist na Communist Party ng bansa ang mga pagsisikap upang balewalain ang impluwensiya ng Kristiyanismo, naghigpit sa pagbabawal ng mga klase tungkol sa pananampalataya, at nagbabala laban sa ideyalismong “Western” ng nasabing relihiyon.
Ngunit sinabi ng mga Kristiyano sa Wenzhou na mahihirapan ang partido na kontrolin ang usapin sa susunod na henerasyon ng 60 milyong Kristiyano.
Sa kanilang bahay “faith comes first, grades come second”, ayon sa isang magulang na may apelyidong Chen, at hiniling na huwag isapubliko ang kanyang buong pangalan dahil maselan ang usapin.
Suot ang cream fur coat at isang malaking turquoise ring, sinabi ni Chen — isa sa pinakamayayamang Kristiyano sa Wenzhou — na kailangan ng kanilang mga anak na dumalo sa Bible classes dahil bigo ang sistema ng edukasyon ng China na magkaloob ng sapat na moral at spiritual guidance.
“Drugs, porn, gambling and violence are serious problems among today’s youth and video games are extremely seductive,” ani Chen sa Reuters. “We cannot be by his side all the time so only through faith can we make him understand (the right thing to do).”
Sa ilang distrito ng Wenzhou, sa lalawigan ng Zhejiang, ipinagbawal ng isang opisyal ang Sunday School simula noong Agosto, ayon sa tatlong source na may direktang alam sa usapin.
Ipinagbawal sa mga lalawigan ng Zhejiang, Fujian, Jiangsu, Henan at sa autonomous region ng Inner Mongolia ang paglahok ng kabataan sa faith activities, iniulat ng Christian news site na World Watch Monitor noong Setyembre.
Inihayag ng mga source sa Reuters na hindi nila alam na ang polisiya ay ipinag-utos ng lokal na gobyerno o kung ito ay para sa lahat. Hindi rin nila alam kung may kaparehong pagbabawal sa ibang rehiyon sa China.
Gayundin noong Setyembre, inilabas ang mga bagong panuntunan hinggil sa pagpapalawak ng pagsubaybay sa relihiyosong edukasyon sa buong China, na ayon sa mga opisyal, ay isang pagtatangka na lumikha ng bagong henerasyon ng religious leaders na tapat sa partido. - Reuters