Ni LIEZLE BASA IÑIGO

Dalawampung katao ang patay, habang nasa 28 iba pa ang nasugatan makaraang magkasalpukan ang isang Partas Bus at isang jeepney sa national highway ng Barangay San Jose Sur sa Agoo, La Union, kahapon ng madaling araw.

Sa panayam ng Balita kay Senior Insp. Eugenio Balagot, deputy chief of police ng Agoo, sinabi niyang nangyari ang aksidente dakong 3:30 ng umaga kahapon, araw ng Pasko.

Sangkot sa nasabing aksidente ang unit ng Partas Bus (137704), at pribadong Isuzu jitney (WST-575).

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Patungong norte ang bus, Vigan o Laoag sa Ilocos, mula sa Maynila, habang sakay naman sa jeep ang magkakamag-anak na papunta sa Minor Basilica of Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag sa Pangasinan para magsimba.

Nabatid sa inisyal na report na posibleng naagaw ng jeep ang lane ng bus kaya nagkasalpukan ang dalawang sasakyan.

Ang ilan sa mga nasawi ay kinilalang ang mag-asawang Pepito at Virgie Antolin; anak nilang si Cecile Antolin at anak nitong si Mar Verson Cabero, 7 anyos; Florence Cabradilla; Vicky Aquino; Adola Antolin; Anna Ramirez, 10; Rolando Perez, Sr., driver, 34; Jefrrey Sabado; Gerlafin Ramirez; Claudia Cabradilla; mag-inang Claudine Cabradilla at Kyle Cabradilla, limang buwan; Manuelito Lomboy; Nadine Joy Cabunas; Ivan Cabunas; Noreen Ivy Cabunas; at dalawang iba pa.

Sa 28 nasugatan, 10 rito ay pasahero ng jeep, habang ang 18 ay lulan sa bus. Isinugod sila sa La Union Medical Center at Ilocos Training and Regional Medical Center sa lalawigan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Agoo Police ang aksidente.