ni Ric Valmonte
INIHAYAG kahapon ng New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines (CPP), na magpapatupad din ito ng unilateral ceasefire simula 6:00 ng gabi ng Disyembre 23 hanggang 6:00 ng gabi ng Disyembre 26, at 6:00 ng gabi ng Disyembre 30 hanggang 6:00 ng gabi ng Enero 2, 2018.
Ang pahayag ng NPA ay inilabas dalawang araw makaraang sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagdeklara si Pangulong Duterte ng Christmas truce sa NPA simula 6:00 ng gabi ng Disyembre 23 hanggang 11:59 ng gabi ng Disyembre 26, at 6:00 ng gabi ng Disyembre 30 hanggang 11:59 ng gabi ng Enero 2, 2018.
Maigsi ng kalahating araw ang ceasfire na inihayag ng NPA. Gayunman, ikinatawa ito ng Malacañang. Kasi, pagkatapos magdeklara ng Pangulo ng tigil-putukan, wala raw itong tiwala na gagawin ito ng rebeldeng grupo, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. Aniya, umaasa pa rin ang Pangulo, pero kung hindi, magpapatunay lang ito sa sinasabi niya na ang NPA ay traydor. Mahirap mong maisahan ang Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA. Halos kalahating siglo nang lumalaban ang mga ito sa gobyerno. Ang communist insurgency sa bansa ay isa sa pinakamatagal sa Asya. Kaya, sanay na sila sa labanan. Alam nila na ang digmaan ay hindi lang labanan ng armas, labanan din ito ng pagkuha ng simpatya at suporta ng taumbayan. Hindi tatagal sa labanan ang partidong walang malasakit at tulong sa mamamayan. Hindi katanggap-tanggap sa taumbayan ang maghasik ng kaguluhan sa panahong sila ay nagsasaya. Kaya, kahit ikaw ay nasa gobyerno o nasa rebeldeng grupo, wala kang pagpipilian kundi ang patahimikin mo muna ang iyong sandata. Bagamat nagdeklara ng kani-kaniyang tigil-putukan ang gobyerno at ang NPA, pareho itong nagpahayag na nanatiling silang alerto sa kanilang depensa.
Sa Davao City, inulit na naman ng Pangulo ang akusasyon niya sa mga komunistang rebelde na sinabotahe nila ang peace talks sa pamamagitan ng kanilang pag-atake sa mga sundalo at pulis kahit nagpapatuloy ang negosasyon. Ayon naman kay Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng NPA, ang mga rebelde ay nababahala sa umano’y kataksilan, pag-atake at panloloko ng militar noong mga naunang unilateral ceasefire ng nakaraang gobyerno. Sa gitna ng palitan ng akusasyon ng katrayduran sa pagitan nila Pangulong Digong at NPA Spokesperson Madlos, mabuhay ang kaniya-kaniyang idineklarang tigil-putukan. Gumalaw lang nang kaunti ang sinuman sa dalawang panig, magsisimula na naman ang gulo. Kaya, upang hindi malagay sa panganib ang tigil-putukan, dapat ay may ceasefire din sa pagmumura at pagbibintang na nakapagpapainit ng damdamin. Tigil bungangaan din.