ni Clemen Bautista
ARAW ngayon ng Pasko. Ang pagsapit ng dakilang kapistahang ito na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano at paggunita sa pagsilang ng Banal na Mananakop at Anak ng Diyos, na pangakong tutubos sa sangkatauhan, ay kagabi pa inihudyat ng masayang kalembang ng mga kampana sa mga simbahan sa buong bansa. At ng masayang pag-awit ng choir at ng mga nagsimba ng “Gloria in Excelsis Deo” o Papuri sa Diyos sa idinaos na Misa de Aguinaldo.
Sa pagsapit ng Pasko, na masasabing “Nanay” ng mga pagdiriwang sa iniibig nating Pilipinas, ang mga pangamba at iba pang suliraning kinasasangkutan ng mga tao at ng daigdig ay pansamantalang “nililimot” at ang PAG-ASA, KAPAYAPAAN at PAG-IBIG sa kapwa na mensahe at diwa ng unang Pasko sa Bethlehem ang binibigyang-pansin at pinaghahari sa puso at kalooban. Pinatitingkad pa ang pag-ibig na ito sa kapwa tao sa pagbibigay ng regalo sa mahihirap at kapus-palad, upang kahit ang kaunting lugod at ligaya ay kanilang maramdaman sa panahong ito.
Kahit marami ang nagsasabing mahirap ang buhay, naging tampok na tanawin kagabi, matapos ang Misa de Aguinaldo, sa mga tahanan ang pagsasalu-salo ng pamilya sa inihandang Noche Buena. Ang paghahanda ay naayon sa kakayahan ng bawat pamilya. Ang Noche Buena ay bahagi na ng ating tradisyon na nakaugat na sa kulturang Pilipino. Bilang bahagi ng tradisyon, ang pagpapanatili nito ay may ibayong kahalagahan—ang pagkakabuklod ng pamilya.
Maging ang mga kababayan natin na biktima at pininsala ng dalawang bagyong nagdaan, kahit sa paanong paraan ay ipinagdiwang din nila ang Pasko. Sa pagdiriwang, hindi naiwasan ng iba ang malungkot at ‘di napigilang maluha dahil sa pangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay at pagkawasak ng kanilang bahay. Isang hindi malilimot na alaala ang kanilang Pasko sa evacuation center.
Ang Pasko ay isang panahon at pagkakataon na ang mga Pilipino ay nagpapahayag ng kanilang “christian values” tulad ng pagkakawanggawa, pagbibigayan at pagbabahagi ng kanilang mga biyaya sa kapwa.
May nagsasabi naman na marahil, higit na maganda at may kahulugan ang Pasko ng mga maykaya sa buhay, nakahilata sa kayamanan, sa mga nakatira sa mamamahaling subdivision at villages o pamayanan. Ipadama ang diwa ng Pasko sa mga kababayan natin sa pagtulong at pagbabahagi ng biyaya.
Kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko at bilang tradisyong Pilipino, tanawin ngayon sa mga bayan at barangay sa mga lalawigan ang langkay-langkay na mga bata, suot ang kanilang bagong damit at sapatos na binili sa tiangge at ukay-ukay. Matapos magsimba ay pupunta sa kanilang mga ninang, ninong at mga kamag-anak. Hahalik sa kamay o magmamano at hihingi ng aginaldo. Nakatatanggap sila ng bago at malutong o crispy bill na P20, P50 at P100 na naroon ang larawan ng mga naging Pangulo ng Pilipinas na parang bagong paligo at bagong pagupit ng buhok.
Sa pagdiriwang ng Pasko, nalalantad at lumulutang ang mga kahanga-hangang katangian nating mga Pilipino. Ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, malasakit at pagpapatawad.
Narito naman ang pagbati sa lahat ng inyong lingkod, Maligayang Pasko, pagbati kong masaya, Nawa sa damdamin, mapawi ang lungkot at dusa; Pumalit ay galak na walang kapara; Ang tinik sa puso’y maglaho nang ganap, Diwa at budhi natin ay maging busilak, katulad ng puso ng Dakilang Mesiyas; Pag-ibig sa kapwa ang laging hangarin, sa isip at gawa at mga dalangin.