Arestado ang isang seaman at isang Nigerian dahil sa kani-kanilang kaso sa korte sa magkahiwalay na insidente sa Makati at Las Piñas City, nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Erol Babac y Academia, 28, seaman, ng No. 210 Village East Executive Home, Cainta Rizal; at Ndusi Gerald Udunsi, nasa hustong gulang, Nigerian, at pansamantalang naninirahan sa Block 18 Lot 3, Ilang Ilang Street, Paramount Subdivision, Barangay Talon Tres, Las Piñas City.
Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), nadakip si Babac ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section, ng Makati City Police, sa Burgos St., Bgy. Gudalupe Nuevo, Makati City, bandang 3:00 ng hapon.
Inaresto ang seaman sa bisa ng warrant of arrest, na inisyu ni Makati Regional Trial Court Branch 140 Judge Cristina Javalera Sulit, dahil sa kasong paglabag sa Section 5 (i) ng Republic Act 9262 o Anti Violence Against Women and Children.
Nagrekomenda ang korte ng P24,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Samantala, nadakip ng mga pulis, sa pangunguna ni Senior Insp. Ralph Lauren Moreles, si Udunsi sa Udelo Place Restaurant & Bar sa Unit G 2nd floor, Santiaguel Building, 182 Alabang-Zapote Road, Pamplona Dos, Las Piñas City, dakong ng 6:20 ng gabi.
Hindi na nakapalag si Udunsi nang posasan siya ng mga pulis matapos silbihan ng warrant of arrest na inisyu ni Imus, Cavite Metropolitan Trial Court Judge Minda Poblete Mendoza para sa kasong serious physical injuries.
Maaaring makapagpiyansa ang dayuhan sa halagang P10,000 para sa pansamantala niyang paglaya. - Bella Gamotea