ni Bert de Guzman

MULI, nais kong batiin ang lahat ng Maligaya at Payapang Pasko!

Hangarin kong maging masaya, maligaya, tahimik at maayos ang ating Pasko sa kabila ng mga pangyayari sa minamahal nating Pilipinas: “Pagpatay sa libu-libong mahihirap na pinaghihinalaang drug pushers at users, ngunit halos wala o kakaunting itinumbang drug lords, shabu smugglers/suppliers, ang mga pulis ni PNP Chief Director General Roland “Bato” dela Rosa.” Magkaroon kaya ng maligaya at payapang Pasko ang mga pulis o vigilantes na bumaril at nakapatay ng mga ordinaryong pushers at users na hindi naman NANLABAN?

May Armaggedon na ang ibig sabihin ay wakas ng mundo o panahon. Carmaggedon o saksakan ng bigat ng trapiko sa buong Metro Manila at iba pang panig ng bansa. Drogaggedon o lansakang pagpatay sa mga ordinaryong tulak at adik. Duterteggedon o ang palasak niyang “I will kill you” o kaya naman ay “Build, Build, Build!”

Sibakan Blues. Sunud-sunod ang pagsibak ng Duterte administration sa mga opisyal ng gobyerno. Sinibak ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si ex-Rep. Terry Ridon ng PCUP. Tinanggal si Vice Admiral Ronald Joseph Mercado bilang hepe ng Philippine Navy at pinalitan ng PMA classmate ni Gen. Bato na si Rear Admiral Robert Empedrad. Sinibak ni Mano Digong ang pangulo ng Dept. of Academy of the Philippines na si Elba Cruz dahil umano sa hilig nitong magbiyahe sa ibang bansa (8 beses) at mismanagement.

Sanay na ang mga Pinoy sa malimit na pagbabagong-isip ni PRRD kahit sa mahahalaga at sensitibong isyu. Tinuring niyang isang teroristang grupo ang CPP-NPA at sinabing walang ceasefire ngayong Kapaskuhan, bigla-bigla inihayag niya ang holiday ceasefire sa mga komunista kahit salungat dito si Defense Sec. Delfin Lorenzana. Kung sa bagay, tradisyon ang tigil-putukan sa Pasko at Bagong Taon kaya pabor ang taumbayan sa desisyong ito ni PDu30.

Sa kabila nito, inakusahan ni Jose Ma. Sison o Joma si Pres. Rody bilang “best NPA recrruiter”. Si Joma ang founding chairman ng Communist Party of the Philippines at National Democratic Front chief consultant. Dati siyang propesor ni Mano Digong. “Lalampasan pa ni Duterte si Marcos bilang best recruiter at supply officer ng armadong rebolusyon,” pahayag ni Joma.

Sa website, sinabi ni Sison na si Duterte ay kakaunti lang ang mga taong natitira samantalang maraming taon si Marcos nang mag-impose ng fascist dictatorship noong 1972. “His aberrant speech and behavior reveal the state of his mental and physical health. His propensity to monopolize political power and bureaucratic loot and his ability to run the reactionary gov’t Mafia style will eventually work against him....”, mahayap na badya ni Joma.

Hindi ba ninyo napapansin mga kababayan, nagbibintangan sina Prof. Joma at Student Digong tungkol sa kanilang kalagayang pisikal at mental? Sabi ng ating Pangulo, si Sison daw ay may grabeng karamdaman at malapit nang pumanaw. Tugon naman ni Joma, may “sira” raw sa ulo at mahina ang pangangatawan ni PRRD. Para silang mga bata na nag-aaway gayong sila’y parehong intelektuwal!