Ni ADOR SALUTA
AMINADO ang dating child star na ngayo’y binatang-binata nang si Makisig Morales na mahirap para sa kanya at sa kanyang pamilya ang magpasyang manirahan na lamang sa ibang bansa para doon hanapin ang kapalaran.Pero noong 2014 ay nag-migrate silang lahat sa Australia to look for a greener pasture, ‘ika nga. Ang pangingibang-bansa ay hindi naging madali sa kanila lalo na ang pag-a-adjust sa kulturang malayo sa kinagisnan.
“At first, medyo malaking adjustment ang nangyari because ibang traditions, culture at especially, alien kami do’n sa country na ‘yun. Pero tingin ko po ‘yung hindi nagpahirap sa pag-adjust namin is ‘yung sama-sama kaming buong family na nandu’n at nagsuportahan po kami. Isa na din po du’n ‘yung CFC (Couples For Christ) community na nag-welcome sa amin,” kuwento ni Makisig.
Nasa ‘Pinas siya ngayon dahil nakasama siya sa isang seryeng pagbibidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil, ang Bagani, na mapapanood na sa 2018.
“Nag-message po ‘yung production team ng show na ginagawa po namin. Hindi ko po ini-expect pero iba po talaga si Lord. Masaya po ako na for a long time, binigyan ulit ako ng opportunity na makapag-entertain na naman ng mga tao,” ani Makisig.
Habang nasa Australia, naranasan ni Makisig na mag-immerse sa food industry and eventually ay pumasok sa culinary school. Pangarap niyang maging chef bago pa man siya nag-migrate.
“Matagal na po ako interested sa pagluluto, kahit nu’ng nandito pa po kami sa Pilipinas. Medyo may kamahalan lang po yung culinary arts dito, also ‘di pa po lumalabas ‘yung cooking skills ko nu’n,” pahayag niya.
Sa kanyang pagbabalik, muling nagkaroon ng pagkakataon si Makisig na makita at muling makasama ang kanyang dating co-chid star sa superhero series na Super Inggo at hanggang ngayo’y best friend na si Jairus Aquino.
“Ang nag-set nung reunion is ‘yung dati po naming handler. He’s still the same old Jai. ‘Di pa rin nagbabago. Napakabait, humble, and super guwapong pambansang bespren as always. Walang nagbago sa friendship namin. Makulit pa rin po kami ‘pag nagkakasama kami. Lahat ng memory ko with Jai, sobrang memorable. Pero ‘yung pinaka-memorable for me siguro is ‘yung typical Pinoy boy na ang libangan, gagamba at salagubang. Haha! ‘Pag wala kaming take, naghahanap kami ng gagamba at pinaglalaban namin,” pagbabalik-tanaw niya.
Ngayong may non-showbiz girlfriend siya rito, inamin ni Makisig na ito ang nami-miss niya nang husto kapag umalis uli siya sa Pilipinas.
“Pero bukod po sa girlfriend ko, kasi given na lagi ko siya nami-miss, ha-ha-ha, miss ko ang food dito and Christmas. Iba po ang Pinoy sa food and Christmas, the best!” pagtatapos ni Makisig.