Sa nalalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon, muling nagpaalala ang Malacañang laban sa paggamit ng mga paputok, idiin ang Executive Order (EO) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong taon na nagre-regulate sa paggamit ng mga paputok.

Ito ay matapos iulat ng Department of Health (DoH) na mayroon nang apat kataong nabiktima ng paputok sa tala nitong Sabado, isang linggo bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Pinaalalahanan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang publiko na ipinagbabawal na ngayon ang paggamit ng mga paputok sa labas ng itinalagang lugar, alinsunod sa EO 28 ni Duterte.

“Pinirmahan na po ni Presidente ang polisiya na ‘yan, na magkaroon po tayo ng isang designated firecracker display area,” ani Andanar sa Radyo Pilipinas.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Nakasaad sa EO 28, na nilagdaan ni Duterte noong Hunyo, ang regulasyon at pagkontrol sa paggamit sa mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Sa ilalim ng EO, lilimitahan ang paggamit ng paputok sa community fireworks display upang maiwasan ang disgrasya o pagkamatay.

“’Pag kayo po ay magpapaputok sa inyong mga tahanan ay huhulihin po kayo ng barangay ninyo, wala ho kayong magagawa,” paalala ni Andanar.

Sinabi ni Andanar na kailangan lamang na masanay ang mga Pilipino sa bagong kaugalian dahil para naman ito sa kaligtasan ng publiko.

“At the end of the day, we will all realize na mas masaya na meron lang isang designated area na pwedeng magpaputok, ma-e-enjoy natin lahat,” aniya.

“Tapos meron pang nagbabantay na taga-barangay o PNP (Philippine National Police) para siguraduhin na wala ho diyang mga paputok na nakakamatay.”

Batay sa EO, ang display of fireworks ay maituturing na community fireworks display kapag ito ay isinagawa bilang bahagi ng selebrasyon, kompetisyon, o mga parehong okasyon na isinagawa sa isang lugar, maliban sa bahay. - Argyll Cyrus B. Geducos