Coco Martin
Coco Martin

Ni DINDO M. BALARES

SA local entertainment industry, hindi isinisilang kundi nahuhubog ang mga alamat.

Isinilang na Rodel Pacheco Nacianceno, bunso sa mangilan-ngilang legend sa pelikulang Pilipino si Coco Martin, na na-discover ng assistant director ni Johnny “Mr. M” Manahan na si Rene dela Cruz sa Max’s restaurant noong 1999.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Disiotso anyos noon si Coco, trainee waiter, at nag-aaral ng Hotel and Restaurant Management sa National College and Business of Art. Teenage dream niyang maging restaurant manager at makapagtrabaho sa ibang bansa.

Tatlo ang kapatid sa mga magulang na nang maghiwalay ay nagkaroon ng tigdalawang anak sa kanya-kanyang bagong partners, kaya sa lola lumaki sa Novaliches si Coco.

Maaga siyang sumabak sa trabaho bilang tagabigay ng kendi sa mga kustomer ng gasoline station, barista sa coffee shop, at trainee waiter.

Kahit nagtataka at natatawa nang pangitiin siya ng discoverer na nag-abot sa kanya ng calling card (“Kasi lalaki, eh, bakit naman niya ako pinapangiti?”), seryoso siya nang tumawag sa ABS-CBN. Pinapunta siya sa network kinabukasan, iniharap kay Mr. M, pinapila, inutusang sumayaw at kumanta sa audition – at naipasa kahit hindi naman marunong sumayaw at lalong hindi marunong kumanta.

Dahil pursigido siyang kumita ng karagdagang pera, para sa kanila ng lola niya na kumakayod para sa pag-aaral niya.

Sinikap ni Coco na maipasa ang lahat ng pagsubok at hindi naman siya nabigo dahil napili siya ni Mr. M para maging isa sa members ng Star Circle 9.

Ang problema, habang sumasailalim sa workshops, napabayaan na niya ang trabaho sa restaurant, natanggal siya, at pati na grades ay gumiwang na. Nakipag-heart-to-heart talk siya sa kanyang lola at tinanong ito kung ano ang dapat niyang bigyan ng panahon. Pinayuhan siyang tapusin na muna ang pag-aaral, “Dahil kung kumikita ka na ng pera, hindi mo na mababalikan ang pag-aaral mo.”

Nakatikim na siya ng cameo role sa pelikulang Luv Text (2001) bilang Rodel Nacianceno, pero sinunod pa rin niya ang kanyang lola.

Pagkatapos ng pag-aaral, binalikan niya ang showbiz bilang Coco Martin, mula sa pangalan ng international stars na sina Coco Lee at Ricky Martin. Pero sa halip na makabalik sa ABS-CBN, napunta siya sa TV commercials at independent films.

Sa Masahista (2006) na unang pinagbidahang indie, agad siyang naging Best Actor ng Young Critics Circle. Nang taon ding iyon, nagbida rin siya sa Summer Heat.

Taong 2008, nai-cast siya at napansin ang kahusayan sa seryeng Ligaw Na Bulaklak ng ABS-CBN. Ginawa siyang third wheel ng Kimerald love team sa Tayong Dalawa ng sumunod na taon at nanalo ng Best Drama Actor sa 2009 Star Awards for TV. Kasunod na nito ang Nagsimula sa Puso kasama si Maja Salvador at sa wakas, natuloy na ang pagiging Star Magic talent niya.

Noong 2010, nagbida siya sa Kung Tayo’y Magkakalayo at ang fateful na lead role sa action series na Tonyong Bayawak na nagbukas ng mga aksiyon serye na pinaghaharian niya hanggang ngayon. Nang taon ding iyon siya nakagawa ng kanyang unang mainstream, ang Sa ‘Yo Lamang at ang  primetime series na 1DOL. Bumalik din siya sa indie (Kinatay) at tumanggap ng nominasyon as Best Actor sa FAMAS.

Sa Minsan Lang Kita Iibigin (2011) siya napansin nang husto, at magkakasunod na awards ang tinanggap. Nang sumunod na taon, ginawa ni Coco ang Walang Hanggan (adaptation sa Hihintayin Kita Sa Langit) katambal si Julia Montes, ang pinakamatagumpay na love team niya at maging ng dalaga. Dahil sa malaking tagumpay ng serye, tinagurian si Coco bilang Prince of Philippine TV Series. Noon din siya nagsimulang maging creative consultant ng serye. Nakatambal din niya nang taong iyon si Angeline Quinto sa pangalawang mainstream movie niya (Born To Love You).

Pinasikat nang husto si Coco ng Juan dela Cruz na sinulat para isali sa 2012 Metro Manila Film Festival kasama sina Jake Cuenca, Maja Salvador, at Albert Martinez at nang ma-reject ay nagdesisyon ang visionary unit head ng ABS-CBN Dreamscape Entertainment na si Deo Endrinal na mas babagay ito sa TV. Lalong lumaki at tumibay ang pangalan ni Coco sa industriya hindi lang bilang on-cam talent kundi bilang creative consultant din na nagpapatuloy hanggang ngayon sa Ang Probinsyano na ayaw nang wakasan ng advertisers dahil sa lakas ng conversion rate sa sales ng mga ipinapasok nilang commercials sa show.

Ngayong araw, nagpapatuloy ang alamat ni Coco Martin sa Ang Panday na pinagbibidahan na idinirihe at prinodyus rin niya.

Bilang top money-maker ngayon sa local entertainment industry, alamat din ang pagiging bukas-palad ni Coco sa kapwa. Sa katunayan, walang laos sa universe niya. Halos lahat ng mga artistang nakakalimutan na ng industriya, binibigyan niya ng trabaho. Ang mga miyembro ng pamilya niya, father side at mother side, iginawa niya ng isang compound na magkakasama na silang lahat.

Ang masayahing waiter, literal nang nagbibigay ng pagkain sa maraming mesa ng maraming pamilyang binibigyan niya ng trabaho.

Naghari na siya sa indie, sa primetime TV, at bilang bagong direktor at producer, namasdan nitong mga nakaraang linggo ang kasipagan ni Coco hindi lang sa likod ng kamera kundi maging sa promo tour na sinimulan niya sa Bicol, sumunod sa Pangasinan, Metro Manila at sa mga karatig-probinsiya.

Tanging si Coco Martin ang nag-iisang artista na lumibot sa mga naturang lugar. Hangad niyang maging masigla ang mga manonood na inaanyayahan niyang makibahagi sa taunang pista ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Huwag na tayong magtaka kung sa lalong madaling panahon ay tagurian na rin siya bilang bagong hari ng pelikulang Pilipino.