Ni ELLALYN DE VERA-RUIZ
Sa kabila ng mga problema at pagsubok sa buhay, walo sa 10 Pilipino ang nananatiling buhay ang pag-asa na magkakaroon pa rin sila ng “happy” na Pasko ngayong araw, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Natukoy sa nationwide survey na isinagawa nitong Disyembre 8-16 sa 1,200 respondents na 77 porsiyento ng mga Pilipino ay umaasa ng merry Christmas, habang limang porsiyento naman ang inaasahan nang malungkot ang kanilang Pasko.
Samantala, 18 porsiyento naman ang hindi masaya at hindi rin naman malungkot ang inaasahang pagdiriwang ng Pasko.
Ayon sa SWS, ang 77 porsiyentong umaasa ng masayang Pasko ay pinakamataas na naitala simula noong 2003.
Malaking kaibahan din ito sa 73% naitala noong nakaraang taon.
Paliwanag ng SWS, taong 2002 nang una nitong sinarbey ang inaasam ng mga Pilipino para sa Pasko, at naitala noon ang 82%.
Samantala, hindi naman nagbago ang bahagdan ng mga Pilipinong umaasa ng malungkot na Pasko, na nasa limang porsiyento pa rin.
Gayunman, sinabi ng SWS na ang 5% noong 2016 at ngayong 2017 ay nananatiling pinakamababa simula nang maitala ang 4% noong 2003.
Ngayong taon, ang mga umaasa ng merry Christmas ay pumalo sa 84% sa Mindanao, kasunod ang Visayas na may 80%, at 75% naman sa Luzon.
Sa etro Manila, ang pag-asam sa maligayang Pasko ay nasa 69%.
Natuklasan din ng survey na 81% ng mga Pilipino ang nagsabing “better to give” gifts ngayong Pasko, habang 19% naman ang naniniwalang mas “better to receive.”