Sugatan ang tatlong katao, kabilang ang department head ng Pasay City Hall, makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa lungsod, nitong Biyernes ng gabi.

Isinugod sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktimang sina Joselito Ocampo y Cifra, 56, head ng Pasay City Environment Natural Office (PCENRO) ng city hall, ng No. 2244 Tramo Street, Barangay 113; Denni Gatchalian, 52, kagawad ng Bgy. 118; at Tristan Ocampo y Acaba, 34, director ng Veronica Funeral Homes, pawang nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pamamaril sa bahay ni Ocampo sa No. 2244 Tramo St., dakong 8:30 ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon, masayang nag-iinuman ang tatlong biktima nang sumulpot ang dalawang suspek at pinaulanan ng bala ang mga ito.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi batid na direksiyon matapos ang pamamaril.

Ayon kay Supt. Jenny Tecson, tagapagsalita ng SPD, dalawa sa mga biktima ay stable na ang kondisyon habang ang isa naman ay isasailalim sa operasyon.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation upang alamin ang motibo sa pamamaril at maaresto ang mga suspek. - Bella Gamotea