Ni AARON B. RECUENCO, at ulat nina Danny Estacio at Fer Taboy

Napatay ng mga pulis ang apat na hinihinalang miyembro ng isang kidnap-for-ransom group sa isinagawang rescue operation sa Angat, Bulacan kahapon ng madaling araw, subalit nasawi rin sa nasabing engkuwentro ang mismong hepe ng anti-kidnapping unit ng pulisya sa Central Luzon.

Sinabi ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na nasugatan din sa bakbakan si Chief Insp. Reynaldo Lumactod, na nakatalaga rin sa Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Police Regional Office (PRO)-3.

Ayon kay Carlos, napatay si Supt. Arthur Masungsong sa mga tama ng baril na natamo sa operasyon bandang 1:00 ng umaga kahapon, sa Crossing sa Barangay Sta. Lucia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nag-ugat ang operasyon sa report ng mga kaanak ni Raziel Esguerra, 27, dalaga, na napaulat na dinukot mula sa bahay niya sa Saint Francis 7, Bgy. San Antonio, Biñan City, Laguna, dakong 3:00 ng umaga nitong Biyernes.

Ayon sa report ng Biñan City Police, tinangay ng mga suspek si Esguerra at isinakay sa puting Mitsubishi Adventure na may plakang HSP-289.

Kinumpirma naman nina SPO1 Agape Belmonte at PO2 Jeff Comendador, ng Biñan City Police, na humingi ang mga suspek ng P15 milyon ransom kapalit ng pagpapalaya sa biktima.

Sinabi ni Carlos na naitimbre sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa bayaran ng ransom sa isang gasolinahan sa Balagtas, subalit sinabihan ng mga suspek ang mga kaanak ni Esguerra na dumiretso na lang sa Angat.

“When the operatives were going through the main road of Bgy. Sta Lucia, they chanced upon the suspects' vehicle, a white Mitsubishi Adventure which the suspect used when they kidnapped the victim,” sabi ni Carlos.

“The suspects noticed the AKG vehicle and suddenly fired upon them prompting the operatives to retaliate that resulted in the killing of the four suspects,” dagdag ni Carlos.

Nasawi sa engkuwentro ang apat na suspek at si Masungsong, habang agad namang naisugod sa Chinese General Hospital si Lumactod.

Ligtas namang na-rescue si Esguerra, ayon kay Carlos.