Ni Jun Fabon
Hindi nakalusot sa awtoridad ang isang wanted makaraang masukol sa police clearance office ng Quezon City Police District na nakabase sa Quezon City Hall.
Mismong si QCPD Director Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang nagkumpirma sa pagkakaaresto ng isa sa mga most wanted criminal na si Reagan Valera, 35, ng Barangay Tandang Sora, Quezon City.
Si Valera, na kukuha sana ng police clearance, ay inaresto ng hepe ng QCPD Police Clearance na si PCI Rodel C. Maritana, sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Corpus B. Alzate, presiding judge, Regional Trial Court Branch 2, Bangued, Abra, sa city hall complex.
Dinampot si Valera matapos lumitaw ang kanyang pangalan sa “HIT” at maberipikang wanted person at tuluyang dinala sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), bandang 4:30 ng hapon nitong Disyembre 20.
Nabatid na si Valera ay ang ika-41 suspek na inaresto sa QCPD Clearance Section kasunod ng pag-aresto kay Erickson Plomos nitong Disyembre 19.
Si Plomos ay may outstanding warrant sa rape, na inilabas ni Assisting Judge Francisco Dizon Paño ng Regional Trial Court Branch 23, Trece Martires City, Cavite.