Ni Clemen Bautista
SA iniibig nating Pilipinas, isa nang tradisyon, tuwing Pasko at Bagong Taon, sa mga naging pangulo na magpahayag ng ceasefire o tigil-putukan sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army at National Democratic Front (CCP-NPA-NDF).
At kapag pinairal na ang tigil-putukan, ipinatutupad naman ng militar ang suspension of military operation (SOMO).
Kung may tigil-putukan, maayos at tahimik na naipagdiriwang ng mga kawal ng ating pamahalaan ang Pasko at Bagong Taon. Maraming kawal ang umuuwi sa kani-kanilang pamilya upang masaya at sama-samang ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon. Gayundin ang ilang mataas na opsiyal ng Armed Forces of the Philippines. Ngunit may mga pagkakataon, sa panig ng CPP-NPA-NDF, na kapag hindi nagpairal ng tigil-putukan sa Pasko at Bagong Taon ay may nagaganap na bakbakan at sagupaan ng mga kawal ng pamahalaan at ng mga NPA. Nakalulungkot sapagkat may mga napapatay at nasusugatan na kawal ng pamahalaan at mga tauhan ng NPA. May nagaganap din pag-ambush sa mga kawal ng pamahalaan at may napapatay din. Ang diwa ng Pasko na pag-asa, pag-ibig at kapayapaan ay nawawalan ng kabuluhan. At ang pagdiriwang ng Pasko ay nababahiran ng dugo.
Ngayong 2017, sa isang deklarasyon na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinahayag na grupo ng mga terorista ang NPA.
Dahil dito, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya ipag-uutos ang nakaugaliang ceasefire sa mga rebelde ngayong Pasko, ilang linggo makaraan niyang kanselahin ang usapang pang-kapayapaan sa CPP-NPA. Ngunit nang magsimula na ang Simbang Gabi, nagbago ng desisyon si Pangulong Duterte. Nagpasiya siya na magkaroon ng Christmas truce o tigil-putukan sa Pasko at Bagong Taon. Tatagal ang ceaefire ng sampung araw. Magsisimula sa Disyembre 24 at matatapos sa Enero 2, 2018 .Layunin ng ceasefire na masayang maipagdiwang ng mga Pilipino ang Pasko at Bagong Taon.
Ito ay ipinahayag ni Pangulong Duterte sa Christmas Party ng mga miyembro ng kanyang Gabinete nitong Disyembre 19, 2017. Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque, sinabi niya na ang tigil-putukan ay makababawas ng pangamba sa mga mamamayang ngayong Pasko. Inaasahan natin na ang CPP-NPA-NDF ay maaaring gumawa ng katulad na mabuting hangarin. Ang Pasko ay may natatanging bahagi sa puso ng ating mga kababayan. Sa paggunita ng Pasko, umaasa tayo na ang lahat ng Pilipino ay sama-samang maninindigan bilang isang bansa at maghahangad ng kapayapaan sa Pilipinas.
Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, na aminadong tutol sa tigil-putukan, ipatutupad ng Kagawaran ng Tanggulan Pambansa ang anumang nais ng Pangulo. Sinabi pa ni Lorenzana na hindi siya natitigatig. Hindi siya magrerekomenda para sa pagtigil ng operasyon ng militar laban sa CPP-NPA, ngunit ipinahayag ng Pangulo ang tigil-putukan kaya ipatutupad nila at susundin ang utos ng Pangulo.
Iba-iba ang reaksiyon ang ating mga kababayan sa pagpapahayag ni Pangulong Duterte ng tigil-putukan sa Pasko at Bagong Taon. May nagsabing kahit pabagu-bago, kung minsan, ng desisyon ang Pangulo, ang sampung araw na ceasefire sa ay napakahalaga sapagkat mararamdaman ng mga Pilipino ang diwa ng Pasko.