Ni Ric Valmonte

NAGDEKLARA ng unilateral ceasefire si Pangulong Duterte sa CPP-NPA na ipatutupad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Disyembre 23-26, at Disyembre 30-Enero 2018. Una rito, mariin niyang sinabi na hindi siya magdedeklara ng tigil-putukan sa mga rebeldeng komunista dahil sa umano’y pananambang ng mga ito sa mga sundalo na naghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo. Bukod dito, nag-isyu siya ng proklamasyon na nagdedeklarang teroristang grupo ang CPP-NPA at mga miyembro nito. Hindi pa nagreresponde ang CPP-NPA, bagamat bago pa man ang unilateral ceasefire ng Pangulo, pinag-iisipan niyang mag-isa niyang gagawin ito.

Hindi maaaring labagin ng Pangulo ang nakangalian nang tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA. Ang Pangulo ay hindi ang gobyernong nilikha ng sambayanan para sa kanilang kapakanan. Pinagkalooban lang nila ang Pangulo ng kanilang kapangyarihan para mamahala ng gobyerno ayon sa kanilang ikabubuti. Kaya, nakangalian na ang tigil-putukan dahil para sa ikabubuti ng lahat upang kahit sa maikling panahon ay mabigyan ng pagkakataon ang kapayapaan na makapanaig. Ito naman ang pinakabuod ng Pasko. Ito rin ang dahilan upang ang lahat ay maging masaya anuman ang kanilang kalagayan sa buhay. Balewala ang Pasko kung may masasawi sa panahong ito. Magluluksa ka sa panahon na dapat ay kasama ka ng lahat na nagdiriwang at nagsasaya.

Paano kung hindi rumesponde ang CPP-NPA sa tigil-putukan na idineklara ng Pangulo? Sa kabila ng pagnanais ng gobyerno na kahit sa maigsing panahon ay magkaroon ng kapayapaan ay patuloy itong naglulunsad ng operasyon laban dito? Kahit na. Ang gobyerno, sa panahon ng katahimikan at kaguluhan, ay dapat magbigay ng magandang halimbawa. Kung ano ang nais niyang mangyari at ipasunod ay siyang unang gagawa at tutupad nito. Pero, hindi ibig sabihin nito na mananahimik na lang ito at hahayaan maging kakaning itik ang sarili. Karapatan niyang idepensa ang kanyang sarili. Hindi labag sa idineklara niyang ceasfire ang maging handa sa lahat ng pagkakataon na malalagay siya sa panganib.

Sa totoo lang, inunahan ni Pangulong Digong ang CPP-NPA sa pagdeklara ng ceasefire. Bagamat nagkunwari itong galit sa rebeldeng grupo at nasabi niyang hindi siya magdedeklara ng ceasfire, ang rebeldeng grupo naman ay naghayag na pag-iisipang gawin ito mag-isa. Sa ayaw man o gusto ng rebeldeng grupo, pabor itong reresponde sa ginawa ng Pangulo.

Kasi, sa digmaan, labanan ito hindi lang ng armas kundi pagkuha ng puso’t damdamin ng taumbayan. Ang taumbayan ay para sa kapayapaan, kaya nila susuportahan hindi lang ang tigil-putukan, kundi ang pagpapatuloy ng naudlot na usapang pangkapayapaan. Walang nagwawagi sa digmaan. Ang nanalo lang sa Marawi ay kaapihan at kawalan ng katarungan.