Ni Antonio L. Colina IV at Argyll Cyrus B. Geducos
Inihayag kahapon ng New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines (CPP), na magpapatupad din ito ng unilateral ceasefire simula 6:00 ng gabi ng Disyembre 23 hanggang 6:00 ng gabi ng Disyembre 26, at 6:00 ng gabi ng Disyembre 30 hanggang 6:00 ng gabi ng Enero 2, 2018.
Ang pahayag ng NPA ay inilabas dalawang araw makaraang sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagdeklara si Pangulong Duterte ng Christmas truce sa NPA simula 6:00 ng gabi ng Disyembre 23 hanggang 11:59 ng gabi ng Disyembre 26, at 6:00 ng gabi ng Disyembre 30 hanggang 11:59 ng gabi ng Enero 2, 2018.
Sa isang pahayag, sinabi ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng NPA, na inatasan ng National Operation Command ang lahat ng unit nito na itigil ang mga opensiba at lahat ng operasyon laban sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) bilang paggunita sa Pasko at Bagong Taon, at sa selebrasyon ng ika-49 na anibersaryo ng kilusan.
Gayunman, nananatiling alerto ang depensa ng NPA laban sa anumang maling pagkilos ng militar o pulisya.
Ikinatuwa naman ng Malacañang ang sariling tigil-putukan na idineklara ng NPA.
“We wish the whole nation a peaceful Christmas and New Year,” mensahe kahapon ni Roque sa mga mamamahayag sa Malacañang.
Una nang inihayag ng Palasyo na hindi nito inaasahang magdedeklara rin ng ceasefire ang NPA kasunod ng tigil-putukang idineklara ng pamahalaan.
“[The President] has no expectations whatsoever. He’s hopeful but if not, then it will prove what he has been saying all along that the NPA are treacherous. So the ball is in the court of the NPA,” sinabi noon ni Roque.