Jovelyn Gonzaga (MB photo | Rio Leonelle Deluvio)
Jovelyn Gonzaga (MB photo | Rio Leonelle Deluvio)
HINDI muna makalalaro si Cignal star Jovelyn Gonzaga sa 2018 Philippine Super Liga Grand Prix bunsod ng tinamong anterior cruciate ligament (ACL) injury sa kanang tuhod.

Natamo ng opposite spiker mula sa Jordan, Guimaras ang injury matapos ang masamang bagsak mula sa spikes sa kainitan ng laro kontra sa F2 Logistics nitong Nobyembre 21.

Natanggap ni Gonzaga ang masamang balita nang lumabas ang resulta ng MRI na isinagawa kamakailangan nang mawala ang maga sa kanyang tuhod.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Na-MRI na siya and ang result is ACL nga,” malungkot na pahayag ni Cignal head coach George Pascua.

Malaking dagok sa kampanya ng Cignal ang pagkawala ni Gonzaga na siyang pangunahing scorer ng HD Spikers. Sa katatapos na 2017 Grand Prix na pinagwagihan ng F2 Logistics, tumapos na panglima ang Cignal.

“Matapang naman ‘yan si Jov, mentally tough siya, kaya makakabalik din siya baka nga mas maaga pa (sa inaasahan),” sambit ni Pascua.

Nakatakdang magbukas ang 2018 season ng PSL sa Pebrero 17.