Ni REGGEE BONOAN

NANG i-announce ang Deadma Walking bilang isa sa mga official entry sa 43rd Metro Manila Film Festival, mapapanoood na simula sa Lunes, dedma rin kami at ang tanong namin sa sarili, ‘Ano’ng bago? Another gay movie?’

JOROSS AT EDGAR ALLAN copy

Kaya nang mabigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board (CEB) ay napa-ha kami. Dahil kaya nanalo itong ng 2nd Prize sa screenplay category sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (2016)?

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Na-curious tuloy kaming panoorin ang Deadma Walking na ihuhuli sana namin sa pagbubukas ng MMFF dahil siyempre pang uunahin namin ang mga nakagawian na, Ang Panday, The Revenger Squad, Haunted Forrest, Meant To Beh dahil kasama namin ang anak naming si Patchot. Saka na namin isusunod ang All of You, Ang Larawan, Siargao at Deadma Walking kasama ang mga kapatid at katoto.

Nagkaroon ng advance screening sa Trinoma Cinema 6 nitong Huwebes ng gabi ang Deadma Walking at kinaray kami ni Kaibigang Ogie Diaz kasama ang kaibigan niyang si Jeffrey Gonzales.

Sa simula ay para kaming nanonood ng musical play na “Crying Divas” sa pangunguna nina Edgar Allan (EA) Guzman, Ricci Chan at Jojit Lorenzo na pinalakpakan ng husto dahil ang galing-galing nilang tatlo at siyempre, lutang si EA dahil siya ang bida.

Perpekto ang kilos at galaw ni EA sa pelikula bilang bading pati pilantik ng mga kamay, facial expression, pananalita, tono ng boses, na consistent simula umpisa hanggang sa mawala ang character niya sa pelikula.

Tinanong tuloy ng diretso ni Ogie si EA ng, “Bakla ka ba talaga?” na sumagot naman nito ng, ‘hindi po.’ Hirit ng manager ni Liza Soberano, ‘’Kita mo, napaniwala mo ako, ang husay mo.’

Hindi naman talaga bading si Edgar Allan Guzman dahil saksi kami na kahit anong oras o saan mang mall namin siya makita, consistent na babae ang kasama niya sa pamamasyal at panonood ng sine.

Sa Deadma Walking, sales agent si EA na rumaraket sa pagiging stage actor at mag-isang nakikibaka sa buhay-Maynila dahil nasa Bikol ang buong pamilya. Kaibigang matalik niya si Joross na anak ng dating beauty queen na namatay sa cancer, mayaman pero nag-iisang nakatira sa mansiyon sa Quezon City, may PR agency at water refilling station at laundry mat business at may ateng nurse (Dimples Romana) na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Si Edgar Allan ang katuwang ni Joross sa lahat ng nangyayari sa buhay at ang motto nila, ‘Beshies for life and death and beyond.’

Nalamang may cancer si Joross at may taning na ang buhay kaya desperado at tanging si EA ang nagpapagaan ng lahat sa kanya.

Naisip ni Joross na pekehin ang pagkamatay niya sa kagustuhang marinig ang sasabihin ng mga tao sa kanya habang nakaburol siya.

Ayaw pumayag ni EA sa morbid na plano ni Joross pero mapilit ang huli kaya nakumbinsi na rin siya. Maganda ng script nila, mala-pelikula ang dating. Nagkunwari silang nag-out of town at nagpakasaya to the max. Hindi na nagising kinaumagahan si Joross at inakalang patay na kaya inuwi na siya ni EA na kunwari ay dadalhin sa ospital pero ang totoo ay ibang bangkay na ang binuhat na binili nila sa malayong morgue.

Nangyari na nga ang dapat mangyari, ibinurol sa mansiyon si Joross na bawat gabi ay iba-iba ang production design na mga bulaklak, may napakataas na cakes for dessert at bonggang catering services.

Closed casket ang drama para hindi malamang ibang tao ang nakahimlay sa napakagandang kabaong na pinatungan ng napakagandang bulaklak.

Nasa burol din naman si Joross na naka-disguise at kunwari’y galing ng London bilang si Yolly na best friend kuno ng pumanaw, kakaiba ang mga damit, at laging naka-shades.

Bukod dito, sinabihan na siya ni EA na, ‘Nah, do not talk, you can’t talk and you will never talk’. Sa madaling sabi, ‘pipi’ ang karakter ni Yolly para hindi siya mabosesan. Kaya ngiti at tango lang ang puwede niyang gawin.

Pawang positibo naman ang mga narinig ni Joross sa mga kaibigan niya kaya tuwang-tuwa siya pero binabantayan ni EA ang lahat ng kilos niya dahil kung minsan ay nakalilimot at inaalis ang suot na shades o kaya naman ay gustong magsalita.

Ang gustung-gusto naming parte ay nang dumating na ang ate (Dimples) ni Joross mula sa ibang bansa na mega-hagulgol at pilit na binubuksan ang kabaong para masilip at mayakap daw ang bunsong kapatid.

Pero nag-hysterical at kunwaring nahimatay si EA para sa kanya mapunta ang atensiyon ng ateng nurse kasama na ang doktor ni Joross na si Bobby Andrews.

Binanggit ni EA na ayaw ni Joross na buksan ang kabaong, kasi gusto nito na ang maalala ng lahat ay pawang saya lang at hindi kalungkutan. Kaya ang ending, pinalagyan ni Edgar Allan ng padlock ang kabaong na katulad ng mga maleta kapag tsine-check in sa airport.

Walang patid ang tawanan ng lahat ng mga manonood sa lahat ng mga eksenang nakakatawa na pinaggagawa ng dalawang bida ng Deadma Walking.

Hanggang dito na lang ang ikukuwento namin para may abangan pang mga sorpresa ang mga manonood na manhid na lang ang hindi mapapaluha.

Napapa-wow kami sa lahat ng mga eksena sa Deadma Walking. Kung umabot ng mahigit 100 ang guest stars sa Ang Panday ni Coco Martin, hindi man umabot sa ganoon ang pelikula nina Joross at Edgar Allan, mga 99 lang siguro, ha-ha-ha.

Sa rami ng mga sikat na artista at beauty queens na nag-guest sa Deadma Walking, napapaisip kami kung magkano ang budget ng producer sa bawat isa sa kanila tulad nina Piolo Pascual, Gerald Anderson, Eugene Domingo, Carmi Martin, Dimples Romana, Bobby Andrews, Nico Antonio, Candy Pangilinan, Ricky Rivero, Marina Benipayo, Cacai Bautista, Vin Abrenica, Sue Ramirez, Direk Joel Lamangan, at maraming iba pa -- mula sa direksiyon ni Julius Alfonso.

Marami nang nagawang pelikula si Direk Julius bilang second unit director ng maraming pelikula pero itong Deadma Walking ang una niyang full length movie, mula sa T-Rex Films at OctoArts.

Pero sabi ni Katotong Maricris Nicasio, libre raw ang lahat ng guest stars na pawang kaibigan ng dalawang bida bukod pa sa kakilala rin ng producers.

Ang taray, star-studded ang pelikula ‘tapos libre pa, e, di sure na ito sa takilya dahil tiyak na hindi naman lobo sa laki ang talent fee nina Joross at Edgar Allan.

Nasiyahan nang husto at nagpalakpakan ang mga manonood pagkatapos ng pelikula at talagang tinapos na basahin ang credits at kanya-kanyang bidahan kung sino ang gusto nilang manalong best actor.

Parehong mahusay sina Joross at Edgar Allan pero may aangat talaga at para sa amin, si EA ang posibleng maging Best Actor sa 43rd MMFF awards night sa Disyembre 27.

Biro nga namin sa manager ni EA na si Noel Ferrer, ‘mas magaling umarte si Edgar Allan kapag bading kaysa kung lalaki siya.’

Magaling din naman si Joross, pero nawawala siya kung minsan sa karakter niya, may mga kilos na lalaking-lalaki pa rin o baka naman ito ang sabi ng direktor na hindi siya masyadong bakla sa pelikula.

Hmmm, posible ring maging best picture ang Deadma Walking na kumpleto dahil may musical, may drama, may comedy, wala nga lang action.

May nagtanong sa amin kung posibleng maging number one sa takilya ang Deadma Walking na diretso naming sinagot ng, ‘Hindi dahil either sina Panday at Revenger ang maglalaban, pero posibleng makalaban ito sa number 3 or 4 slot.