Ni ADOR SALUTA
SINORPRESA ni Ces Oreña-Drilon ang kanyang viewers nitong Huwebes ng gabi nang ipahayag niya na iyon na ang kanyang huling pagbabalita bilang news anchor ng Bandila na labing-anim na taon na niyang ginagawa kasama sina Julius Babao at Karen Davila.
“Ito na po ang huling gabi ko sa Bandila na naging tahanan ko sa ABS(-CBN) ng higit isang dekada. Eleven years and five months to be exact,” pahayag ni Ces sa late-night newscast.
Aalis ang news anchor upang hawakan ang bagong posisyon bilang content acquisition head ng ABS-CBN lifestyle ecosystem group.
Nang tanungin kung ano ang bagong magiging responsibilidad niya bilang content acquisition head, ipinaliwanag ni Ces na, “Nakikita naman natin na iba na ang pagkonsumo ng ating audience sa kanilang content. Hindi na lahat nanonood ng telebisyon. Although marami pa rin, ngayon nasa digital na, nasa Internet. Kaya ang hamon sa atin ay sundan kung nasaan ang audience natin. Ang gagawin ko po tungkol sa lifestyle, saan sila kumakain, ano ang mga pinapanood nila, ano ba ang nagbibigay saya at aliw sa ating audience.”
Nagbalik-tanaw si Ces at tinanong ang co-anchor nang gabing iyon na si Henry Omaga-Diaz kung, “Natatandaan mo ba no’ng tayong tatlo ni Korina (Sanchez) ang nagsimula dito sa Bandila?” Silang tatlo ang orihinal na anchors ng Bandila nang magsimula noong 2006. “Tayo mismo naghahabol ng istorya.”
“Nag-aaway pa tayo noon,” salo ni Henry at pinagtawanan nila ang mga nakaraan.
Ipinaliwanag ni Ces kung bakit niya iiwanan ang late night newscast.
“May panibagong hamon na tumatawag sa akin. Panahon na para baguhin ang landas na tinatahak mula sa harap ng camera, papunta naman po sa likod nito. May bago na akong responsibilidad bilang content acquisition head ng ABS-CBN lifestyle ecosystem kunsaan ang pagbabalita naman na nagbibigay sa inyo ng kasiyahan at aliw ang siyang bibigyan ko naman ko ng pansin at atensiyon.”
Bagamat may bagong responsibilidad, magpapatuloy siya bilang mentor ng mga baguhang broadcaster.
“Panahon na rin po siguro para isalin ang aking konting nalalaman sa iba at mag-mentor naman sa mga nakababata sa akin. Excited na excited na rin po ako dahil ibang larangan naman ang aking susuungin at natututo rin ako sa mga bagay na iba sa nakasanayan sa ABS-CBN newsroom.”
Binigyang-diin ni Ces na mananatili siyang Kapamilya.
“Hindi naman po ako mawawala,” pahayag niya. “Dito pa rin ako sa Kapamilya Network. Hindi n’yo lang makakasama gabi-gabi na nagpupuyat dito sa Bandila. Maraming salamat sa inyong pagtangkilik at sa inyong pagsubaybay dito sa Bandila ng mahigit isang dekada. Paalam na po muna sa ngayon. Hanggang sa susunod nating pagkikita.”
Pagkatapos ng kanyang farewell message, pinalakpakan siya ni Henry at ng iba pang mga kasamahan nila sa newsroom.
“Ano ba ‘yan!” ani Ces. “Huwag n’yo akong paiyakin!”