HINDI na bago para sa mga Pilipino ang pananalasa ng mga bagyo mula sa Dagat Pasipiko. Nasa 20 sa mga ito ang dumadalaw sa bansa, minsan ay umaabot pa sa mahigit 200 kilometro kada oras ang dalang hangin nito, at ang matinding buhos ng ulan ay tumatagal nang ilang araw. Sanay na ang ating mamamayan sa mga bagyo, at alam na rin kung ano ang dapat gawin.
Ang super bagyong ‘Yolanda’ ay nagdulot ng bagong uri ng panganib noong 2013 — daluyong mula sa dagat. Dahil sa malakas na hangin, nagmistulang umahon ang dagat at nilamon ang kalupaan, pinalubog ang maraming bahay at gusali kung saan inakala ng mga tao na ligtas sila. Umabot nang ilang kilometro ang dumaluyong na tubig. Pagkatapos, bumalik ito sa dagat, tangay ang mga bangkay ng marami nitong nabiktima. Mahigit 6,000 ang nasawi sa Leyte at Samar noong 2013, kabilang silang ang mga bangkay ay hindi na natagpuan.
Ngayong linggo, sinalanta ng ‘Urduja’ ang gitnang Visayas at Palawan. Isa lamang itong sama ng panahon, hindi bagyo, subalit napakarami ng ibinuhos nitong ulan na nagbunsod ng paglambot at pagguho ng lupa na tumabon sa maraming kabahayan sa islang lalawigan ng Biliran, sa hilaga ng Leyte. Sa huling datos nitong Miyerkules, napaulat na 46 ang nasawi sa rehiyon, habang 45 ang nawawala at pinaniwalaang nalibing sa ilalim ng makapal na putik, mula sa lupang pinalambot ng Urduja.
Maraming bagyo na ang tumama sa Pilipinas sa nakalipas na mga taon, at hindi pangkaraniwan ang lakas ng hangin at buhos ng ulan na dala nito na tumatagal nang ilang araw, kaya naman masasabing hindi sapat ang karaniwan nang pag-iingat ng publiko. Mayroong mga kaparehong insidente ng matinding kalamidad sa maraming bahagi ng mundo — ang heat wave na tumama sa Europa noong Agosto, ang pinakamatinding bagyo na nanalasa sa Texas sa Amerika sa nakalipas na 50 taon at tinawag na ‘Harvey’, na kaagad na sinundan ng isa pa — ang ‘Irma’ — na sumalanta sa Puerto Rico, at ngayon, ang napakainit na panahon na nagbunsod ng pagliliyab ng kagubatan sa katimugang California.
Sumang-ayon ang mga siyentista sa mundo na ang lahat ng matitinding kalamidad na ito ay may kaugnayan sa pagtaas ng temperatura sa planeta. Ito naman ay dulot ng labis-labis na carbon emissions mula sa mga pabrika sa maraming bansa.
Ang init na ito ay nagbunsod upang matunaw ang polar glaciers at pinangangambahang magdulot ito ng pagtaas ng dagat, na magpapalubog naman sa mabababang isla sa mundo. Dahil marami rin tayong isla, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang unang magdurusa sakaling mangyari nga ito.
Kaya naman umaasa tayong ang mga bansang nangakong tutupad sa napagkasunduan sa Paris Conference on Climate Change noong 2015 ay lilimitahan ang mga carbon emission ng kani-kanilang pabrika at magtatagumpay sa hangarin nila upang ang kabuuang resulta ng kanilang mga pagsisikap ay maisasakatuparang mapababa ang pandaigdigang temperatura. Sa ngayon, mahalagang mapagtagumpayan natin ang matitinding bagyong gaya ng Yolanda noong 2013, at matinding sama ng panahon na tulad ng Urduja na nanalasa sa Biliran, Leyte, at Samar.