Nina JUN FABON at BETHEENA KAE UNITE

Limang katao ang nasawi at 252 ang nailigtas sa paglubog nitong Huwebes ng pampasaherong M/V Mercraft 3 sa Infanta, Quezon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, ang nasabing bilang ay kabuuan na ng lahat ng pasahero ng fastcraft.

“All accounted for na ang mga pasahero at crew, 252 have been rescued and five were dead,” sabi ni Marasigan.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Kinumpirma rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nasabing bilang, bagamat iniulat nito kahapon na tatlong pamilya ang nagsabing nawawala pa hanggang kahapon ang kani-kanilang kaanak.

“May tatlong nagke-claim na nawawala raw ‘yung pamilya nila, pero we’re still looking on it kung totoo,” sinabi ni Captain Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, sa Balita.

Ayon kay Balilo, nagsasagawa na rin ang PCG ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng paglubog ng fastcraft, bagamat sinisilip pa rin nila ang iba pang anggulo.

“May tinitingnang anggulo, katulad ng baka naka-hit ng afloating object, nabutasan kaya napasukan ng tubig. But these are still inconclusive, nag-iimbestiga pa,” sabi ni Balilo.

Itinanggi rin niyang overloaded ang fastcraft, bagamat bineberipika rin ng PCG ang nasabing anggulo.

“Hindi naman (overcrowded) kasi 251 passengers lang at ang allowable ay 286,” aniya. “If it’s true that there are three more missing passengers, it still followed its capacity.”

Ito ay makaraang igiit ng mga nakaligtas sa insidente na overcrowded ang fastcraft, bukod sa hindi rin umano sapat ang mga life vest para sa mga pasahero.

“Malilintikan ang shipping company (Mercraft Shipping Lines Corporation) d’yan kung totoo ‘yan. Dapat lahat merong life vest,” sabi pa ni Balilo.

Samantala nais paimbestigahan ni Senator Grace Poe ang paglubog ng fastcraft upang matukoy kung aksidente o may kapabayaan sa nangyari.