Ni Fer Taboy

Umakyat na sa 15 ang namatay at 17 ang nasugatan sa sagupaan ng mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at tropa ng pamahalaan sa North Cotabato, iniulat kahapon ng pulisya.

Ayon sa report, 10 terorista ng BIFF, na matagal nang may alyansa sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), apat na sundalo, at isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang napatay sa naturang labanan.

Iniulat din na lumobo pa ang bilang ng mga sibilyang lumikas sa pagpapatuloy ng kalat-kalat na sagupaan ng militar at BIFF sa North Cotabato.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Umabot na sa 264 na pamilya ang lumikas sa hangganan ng mga bayan ng Banisilan, Aleosan at Carmen.

Sinabi ni Joint Task Force Central spokesman, CMO Mindanao Regiment commander at 90th Infantry Battalion-Philippine Army Commanding Officer Col. Gerry Besana na pinaigting pa nila ang pagtugis sa grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik, alyas “Abu Toraife” ng BIFF.

Napaulat na si Abdulmalik ang umano’y bagong emir ng mga terorista, at nagtatago ngayon sa Sitio Martesan at Sitio Bisalang sa Barangay Tonganon sa Carmen.

Kumilos na rin ang mga lokal na opisyal ng probinsiya para matulungan ang daan-daang evacuees.