Ni Johnny Dayang

BUNGA ng maraming iskandalong naganap at nangyayari pa, halos walang tigil ang mga imbestigasyong ginagawa ng parehong kamara ng Kongreso nitong nakaraan sa halip na ituon ang kanila pansin sa paglikha ng mga mahalagang batas.

Mula sa pagsasa-moderno ng sistema ng transportasyon hanggang sa bakuna laban sa “dengue,” halos naubos ang panahon ng lehislatura at mga kagawad nito sa mga imbestigasyong kung tawagin nila ay “in aid of legislation” o bilang tulong sa paglikha ng batas. Ngunit dapat din nilang maunawaan na sa paningin ng maraming nagagalit ay pag-aksaya lamang ito ng mga mambabatas sa kanilang mahalagang oras at salapi ng bayan at sa “grandstanding” o “pagpapa-pogi” lamang nila.

Hindi naman tuwirang walang basehan ang mga pangungutyang naturan. Sa totoo lang, naging isang dimensiyon na ito ng ating kulturang Pilipino sa pulitika. Sa pamamagitan kasi ng aktibo at matalinong pakikilahok sa mga imbestigasyong lehislatibo na nasakaraniwan ay tinututukan ng television camera, sadya at talagang napapa-pogi ng mga mambabatas ang kanilang sarili sa mata ng bayan, lalo na sa kanilang mga kinakatawan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang ikinaiinis ng ilang sektor, ay ang napakaraming imbestigasyon na isinagawa ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso na lubhang nagpapabagal sa kanilang mga gawain at responsibilidad bilang mga mambabatas. Sa pangkalahatan, mahalaga rin ang mga public hearings. Nililinaw ng mga ito ang masalimuot na mga usapin at isyung pampubliko at naisusulong nito ang mahalang pakikilahok ng mga mamamayan sa wastong pamamahala ng gobyerno.

Gayunman, bukod sa ‘impeachment proceedings’ na tanging Kongreso lamang ang makakaganap, may mas maiinam na paraan para maisagawa ang tila walang-patid na ‘legislative inquiries’ na ito. Maaari itong ipagkatiwala sa mga ‘special commissions’ na itatatag ng Kongreso na bubuuin ng mga tunay na eksperto. Sila ang hihimay sa masalimuot na mga usapin at ang kanilang mga rekomendasyon ay siya namang gagamitin ng mga mambabatas sa paglikha ng mga kaukulang batas.

Siyempre, hindi maaalis ang hinala na ang mga ‘public hearing’ na hindi tinututukan ng television camera ay maaaring magresulta sa kahit anong uri ng rekomendasyon. Maaaring walang basehan ang gayong hinala, lalo na’t wala naman silang adyendang pulitikal. Bukod dito, ang mga rekomendasyon ng mga public hearings tungkol sa mga criminal action laban sa mga lumalabag sa batas, ay para naman sa mga alagad ng batas at mga hukuman.

Napapanahon na marahil upang muling silipin at rebisahin ng Kongreso ang kanilang mga panuntunan at alituntunin at ikonsidera ang mga independiyenteng komisyon para sa gawaing ito.