Ni REGGEE BONOAN
HINDI na matutuloy ang pelikulang pagsasamahan nina Empoy Marquez at Ellen Adarna na ipo-produce sana ng Star Cinema dahil nga nasa interesting stage ngayon ang sexy star kahit hindi pa niya ito pormal na inaamin.
Pero base naman sa mga naglalabasang posts niya sa IG account, halatang buntis ang dalaga courtesy of John Lloyd Cruz na nakitang magkasama pang nagpa-check up sa St. Luke’s Hospital kamakailan.
Pero hindi pinakawalan ng Star Cinema si Empoy dahil may kapalit agad ang nawalang project with Ellen, sila na ni Zanjoe Marudo ang magkasamang ididirek ni Victor Villanueva, ang indie filmmaker ng gumawa ng critically acclaimed comedy na Patay na si Hesus.
Si Empoy ang biggest actor of 2017 sa laki ng kinita ng Kita Kita, kaya naman solo niya ang entablado sa nakaraang ABS-CBN Christmas Special sa Smart Araneta Coliseum.
Samantala, ni-reinvent na Empoy daw ang mapapanood sa teleseryeng pagsasamahan nila nina Alessandra de Rossi, Arci Muñoz, at Piolo Pascual under Dreamscape Entertainment na mapapanood sa 2018.
“Bagong Empoy ito, Reggs,” kuwento ng Cornerstone talent handler na si Mac Merla, “hindi ‘yung the usual na nagko-comedy lang kasi sinigurado ni Papa P na bagong atake. Sobrang inalagaan siya rito ni Papa P.”
Isa si Piolo sa producers ng Kita Kita under Spring Films kaya inaalagaan niya ang imahe ni Empoy bukod sa pangangalaga ng Cornerstone Talent Management.