TIYAK nang makikinabang ang mga manggagawa sa bansa na kakaunti ang binabayarang buwis sa katatapos lang lagdaan at pagtibayin na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.
Ang mga kumikita ng minimum at mid-level na may suweldong aabot sa P21,000 kada buwan o P250,000 bawat taon ay hindi na pagbabayarin ng buwis. Ang mga nasa mataas na posisyon at may malaking sahod na nagbubuwis ngayon ng 32 porsiyento ng kanilang suweldo ay 25 porsiyento na lang ang babayaran alinsunod sa bagong batas. Aabot naman sa 35 porsiyento ang babayaran ng “ultra rich”. Ito ang bahaging nireporma ng bagong batas.
Dahil magreresulta ito sa mas mababang koleksiyon ng buwis ng gobyerno — nasa P200 bilyon ang mababawas sa kasalukuyang koleksiyon — kinailangan ng pamahalaan na humanap ng ibang pagkukunan ng kita. Magtataas na ito ng buwis sa gasolina, diesel, at iba pang petrolyo; sa coal na nagpapatakbo sa karamihan sa ating mga planta ng kuryente; at sa matatamis na inumin.
Ang mas mataas na buwis sa petrolyo ay tiyak na makaaapekto sa lahat ng motorista, at maging sa mga naghahatid ng mga produktong agrikultural sa mga pamilihan. Dahil dito, maraming bilihin ang siguradong tataas ang presyo. Ang mas mataas na buwis sa coal ay sisingilin sa mga gumagamit ng kuryente — sa bawat bahay at pabrika. Ang mas mataas na buwis sa matatamis na inumin ay makaaapekto naman sa mga may-ari ng tindahan na nagbebenta ng softdrinks sa karaniwang mamamayan.
Iginiit ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na dahil sa TRAIN ay higit pang magdurusa ang 15.6 na milyon na walang regular na trabaho. Hindi na nga sila magbabayad ng buwis, kaya tiyak nang makikinabang sila sa pagtapyas sa buwis. Subalit magbabayad sila ng kuryente na kinokonsumo sa kani-kanilang bahay; bibili sila ng pagkain sa palengke, na magmamahal na rin ang bentahan; at sila rin ang umiinom ng softdrinks.
Hiniling ng ALU-TUCP kay Pangulong Duterte na ipagpaliban ang implementasyon ng TRAIN hanggang kaya na ng gobyerno na ipagkaloob ang kinakailangang proteksiyon ng sektor na ito ng ating populasyon — ang informal sector na walang regular na pinagkakakitaan. Subalit malaki ang posibilidad na pakinggan ng pamahalaan ang apelang ito.
Umaasa tayo na ang malawakang programa sa imprastruktura ng administrasyon — ang “Build, Build, Build” — ay magbibigay ng trabaho para sa mas maraming tao sa lalong madaling panahon. Gayundin, umaasa tayo na ang sektor ng manufacturing, serbisyo, agrikultura at iba pang sektor sa ating ekonomiya ay magsisimula na rin ng kani-kanilang operasyon. Isusulong ng TRAIN ang ating bansa patungo sa kaunlaran, subalit hindi dapat na dahil ito ay mapag-iwanan ang iba pang grupo, gaya ng informal work sector na matagal nang nangungulelat. Ang lahat ay kailangang sabay-sabay na sumulong patungo sa kaginhawahan.