ANG kabataang tomboy, bakla, at bisexual ay tatlong beses na mas malaki ang posibilidad na pagtangkaan ang sarili nilang buhay kaysa kabataang babae at lalaki, ayon sa pag-aaral sa Amerika.
Sa national survey ng halos 16,000 kabataan, aabot sa 25 porsiyento ng kabataang tomboy, bakla, at bisexual ang umaming minsan na nilang tinangkang magpatiwakal noong nakaraang taon, kumpara sa anim na porsiyento ng kabataang babae at lalaki, iniulat ng mga mananaliksik sa Journal of the American Medical Association.
“LGBQ (lesbian, gay, bisexual and questioning) teens face staggeringly high suicide risks,” lahad ng awtor ng pag-aaral na si John Ayers, mananaliksik sa San Diego State University.
“We must recognize LGBQ teen suicide is a national public health crisis and bring extraordinary resources to bear to address the crisis,” dagdag pa ni Ayers.
Para sa ebalwasyon ng panganib ng pagpapakamatay, tinanong ang mga nakibahagi sa pag-aaral kung ilang beses pumasok sa kanilang isipan, pinlano o aktuwal na tinangkang magpakamatay noong nakaraang taon.
Sa sexual minorities, 40 porsiyento ng kabataan ang umaming naisip nilang magpatiwakal, habang 35 porsiyento ang nagplano ng aktuwal na pagpapakamatay, nabatid sa pag-aaral.
Sa kabilang banda, 15 porsiyento ng heterosexual adolescents ang nagsabing naisip nilang magpakamatay, at 12 porsiyento ang nagplanong kitlin ang sariling buhay.
Ang pagtaas ng bahagdan ng mga may posibilidad na magpakamatay ay napatunayang totoo, sa paghihiwalay ng ebalwasyon sa babae at lalaki.
Ang mga tomboy ay doble ang posibilidad na magtangkang magpakamatay kaysa sa kababaihan, at triple naman para sa mga bisexual na babae.
Ang kabataang bakla naman ay apat na beses na mas malaki ang tsansang magpatiwakal kaysa mga lalaki, at limang beses namang mas mataas ang posibilidad para sa mga lalaking bisexual.
“Studies have linked high levels of stress due to social stigma, marginalization, discrimination and experiences of bullying with a wide range of risky health behaviours, including suicidal behaviours,” lahad ni Hongying Dai, mananaliksik sa Children’s Mercy Hospital at sa University of Missouri-Kansas City na walang kinalaman sa pag-aaral. - Reuters