Umapela sa publiko ang photographer sa kontrobersiyal na pre-debut photo shoot ng apo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang na alamin muna ang buong istorya bago magkomento.
Nilinaw ng top photographer na si Lito Sy na walang kinalaman si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, panganay na anak ni Pangulong Duterte, sa photo shoot ng anak nitong si Isabelle sa Palasyo.
“People are saying that Paolo Duterte used government funds for the photo shoot of Isabelle. Naaawa ako kay Paolo because he really has no idea about this photo shoot,” ani Sy, sa exclusive interview sa Christmas party na inorganisa ng Mutya ng Pilipinas para sa mga miyembro ng beauty pageant press sa Aposento sa Makati City nitong Martes ng gabi.
Sinabi ni Sy na ang photo shoot ay idea ni Lovelie Sangkola Somera, ina ni Isabelle, at dating asawa ni Paolo.
“Gastos ito ng mother ni Isabelle at hindi nga ito alam ni Paolo. Isabelle’s mother is a rich businesswoman. May pera ‘yung nanay hindi nanghihingi kay Duterte. Walang ganun,”aniya. “President Duterte was aware of the scheduled photo shoot in Malacanang.’’
Bago nag-photo shoot sa Palasyo, nagtungo si Isabelle at ang kayang glam team sa Sydney para sa initial pre-debut shoot. “The third pre-debut photo shoot was done at the Las Casas Filipinas de Azucar in Bataan.”
Ipinakita ni Sy ang ilan sa mga litratong kinunan sa Malacanang at ang mga imaheng ito ay hindi inilabas sa publiko. “Nagulat talaga ako at ang dami ng bashers.”
Sa isyu ng presidential seal na naging bahagi ng photo shoot ni Isabelle, iginiit ni Sy na: “Hindi naman namin binaboy yung presidential seal. And besides, people can take their photo with the presidential seal inside the Palace. Kung makakapasok ka ng Palasyo, you are allowed to take a photo with the presidential seal. Ang protocol dun bawal magpakuha sa seal na naka-tsinelas ka or naka-rubber shoes. Kaya yung iba nakatago yung paa pagnag-papa-picture sa seal.”
Isinagawa ang photo shoot sa Palasyo noong Disyembre 14. “She has five outfit changes. From Australia she went straight to Davao. And the next day, she went to the Palace for the photo shoot. We started shooting around 4 p.m. Her mother was there during the whole pre-debut shoot.”
Magdiriwang si Isabelle ng kanyang ika-18 kaarawan sa Enero 26, 2018. Tumanggi si Sy na sabihin ang venue ng debut, ngunit tiniyak niyang sa Pilipinas ito idadaos. - Robert R. Requintina