Ni Annie abad
PINAWALANG-BISA ng Pasig Regional Trial Court (RTC) ang eleksyon ng Philippine Olympic Committee (POC) na ginanap noong Nobyembre 25, 2016 matapos nitong paboran ang kasong isinampa ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) president Ricky Vargas.
Sa desisyon na ipinalabas ni judge Maria Gracia Cadiz-Casaclang ng Pasig RTC Branch 155 na may petsang Disyembre 1 nagkaroon ng pang-aabuso sa kapangyarihan ang POC nang pagbawalang tumakbo sina Vargas at Philippine Cycling Federation president Bambol Tolentino,sa pagkapangulo at chairman, ayon sa pagkakasunod.
“In sum, this court rules that POC election committee acted beyond scope of its power and authority granted to it by the POC Executive Board, and violated its own POC Election Rules,” pahayag sa desisyon ni Cadiz-Casaclang.
Ayon sa desisyon ni Casaclang ang naturang eleksyon na ginanap kung saan nanalong presidente si Jose “Peping” Cojuangco ay “null and void” sa mga posisyon ng presidente at chairman na ikinasiya naman Vargas.
“Finally we obtained justice”, pahayag ni Vargas na siya ring Chairman ngayon ng Philippine basketball Association (PBA) Board.
Hindi naman sumagot sa text si Cojuangco para makuha ang kanyang pahayag hingil sa isyu.
Si Vargas ay tumakbo bilang presidente sa naturang eleksyon, katiket si cycling Federation president Abraham Tolentino na tumakbo naman bilang chairman, ngunit sa kasamaang palad, kapuwa sila naalisan ng karapatan upang tumakbo sa isyu ng eligibility.
Ayon sa ruling ng POC, ang isang NSA official ay maari lamang tumakbong presidente at chairman , kung siya ay nakakadalo sa General Assembly ng nasabing kumite, sa kaso nila Vargas at Tolentino, hindi sila napagkikitang dumalo sa naturang pagpupulong.
Dahil dito, nagwagi pa rin bilang presidente si Cojuangco, gayung wala siyang naging kalaban, na naging dahilan ng pagsasampa ng kaso ni Vargas, habang si Joey Romasanta naman ang nagwagi bilang 1st Vice president.
Kasunod ng naturang desisyon ni Casaclang, nagtakda ito ng panibagong eleksyon sa Pebrero 23, 2018, kung saan maari nang kalabanin ni Vargas si Cojuangco sa pagiging presidente ng POC.