SIMULA Hulyo 1, 2016 hanggang Oktubre 10, 2017, nagsagawa ang Philippine National Police (PNP) ng 71,578 operasyon kontra droga, at 112,086 ang naaresto habang 3,933 ang napatay, at 1,262,188 naman ang sumuko, batay sa ulat ni Director Camilo Cascolan, ng PNP Directorate for Operations. Sa panig ng PNP, 83 pulis ang napatay at 238 ang nasugatan.
Nakumpiska sa mga pagsalakay ang 1,703,300 gramo ng shabu, 3,812,516 gramo ng marijuana, at 2,650 gramo ng ecstasy. Nasamsam din ang nasa 7,280 baril at 483 pampasabog. Sinalakay ang umano’y mga shabu laboratory at ipinasara ang nasa Pampanga, Isabela, Catanduanes, at Valenzuela City.
Nakasaad pa sa ulat ng PNP directorate na 49,994 sa mga sumuko ay menor de edad, 1,172,579 ang lalaki at 87,194 ang babae, habang 648,335 ang walang trabaho, 260,113 ang self-employed, 46,443 ang estudyante, at 293,797 ang empleyado sa pribadong kumpanya.
Ito ang huling estadistika ng kampanya kontra droga ng PNP. Tinatanggap natin ito sa gitna ng marami at magkakaibang bilang mula sa iba’t ibang sources. Sa isang artikulo noong Oktubre, nakasaad na umabot na sa 9,000 hinihinalang tulak at adik ang nasawi sa kampanya kontra droga. Sa isa pang report, sinabi naman ang “latest unofficial count placed extrajudicial killings and other human rights incidents at 14,000.”
Ang mga nasabing report ang nagbunsod upang pumalag ang United Nations Commission on Human Rights at manawagan ng imbestigasyon. Noong Oktubre, sinabi ng PNP na walang kahit isang kaso ng extra-judicial killing (EJK) sa kampanya kontra droga. Tinukoy ng PNP ang isang lumang administrative order ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III na nagbibigay-kahulugan sa EJK bilang pamamaslang sa isang tao para sa layuning pulitikal; kaya iginiit ng pulisya na ang mga patayan sa mga operasyon kontra droga ay hindi maituturing na EJK. Sinabi rin ng PNP na ang mga napatay ay nanlaban sa pag-aresto sana nila sa mga ito.
Sa isang panayam sa radyo kamakailan, sinabi ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na 800 sa mahigit 10,000 pagkamatay sa mga operasyon ng pulisya ay walang kinalaman sa droga. Ang ilan ay nag-iiwan ng mga marka sa katawan ng biktima upang palabasing tulak ang mga ito, subalit sa ilang kaso, natuklasan ng PNP na hindi sangkot sa droga ang biktima, aniya.
Sa 800 pagpatay na walang kinalaman sa droga, ayon sa PNP chief, nasa mahigit 9,000 ang kumpirmadong may kaugnayan. Mahalagang panatilihin ng PNP ang imbestigasyon nito upang sa mga susunod nitong ulat ay magawa na nitong tukuyin ang mga responsable sa nasabing mga pamamaslang.
Sa ngayon, dapat na ipagpatuloy ang pagpapatupad sa kampanya, sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency nang may aktibong suporta at pakikibahagi ng PNP, ng National Bureau of Investigation, at ng iba pang law-enforcement agencies.
Marahil pinakamainam na mula sa pangangailangan o pagpapakalat ng droga sa mga operasyon ng awtoridad, sa mga adik at tulak, ay ilipat na ang atensiyon sa nagsu-supply ng droga, sa umaangkat ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu na nagagawang ipuslit ang mga ito sa mga hangganan ng bansa, o ilusot sa mga pantalan sa tulong ng ilang tiwaling opisyal mula sa Customs at sa mismong daungan.