Halos maagnas na ang bangkay ng isang lalaki na umano’y may problema sa pag-iisip nang matagpuang nakabigti sa loob ng inuupahan niyang kuwarto sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.

Nadiskubre ang bangkay ni Filomeno Almendralejo, Jr., alyas Jun, boarder sa 1206 M. Natividad Street sa Sta. Cruz, ng kanyang landlady na si Jocelyn Santos.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Ruiz, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nakaamoy ng masangsang si Santos at ang iba pang boarders kaya hinanap nila ang pinagmulan nito at natukoy na nagmumula sa kuwarto ng biktima, dakong 8:00 ng gabi.

Kinatok ni Santos ang pintuan ng kuwarto ng biktima, ngunit walang sumasagot bagamat bahagyang nakabukas ang pinto ng kuwarto kaya nagpasya silang silipin kung nasa loob ang biktima.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Patay din umano ang ilaw sa silid kaya gumamit si Santos ng flashlight at dito na nasilayan ang biktima na nakatayo.

Sinasabing may problema sa isip ang biktima kaya hindi ito agad nilapitan ni Santos at sa halip ay tumawag na lamang ng barangay officials.

Sa pagresponde ni Kagawad Romualdo Sta. Maria at ng kanyang mga tauhan, nadiskubreng patay na ito at nakabigti.

Ayon kay Santos, mag-iisang taon nang nangungupahan sa kanya ang biktima matapos itong i-deport mula sa United States sa hindi malamang dahilan at tumatanggap ng buwanang allowance sa kanyang ina na nakabase sa US.

Nalaman din na ang biktima ay na-diagnose na may mental health problem at regular na umiinom ng alak. - Mary Ann Santiago