ni Erik Espina
NADANTAYAN ko na ang isyung ito sa aking programa sa telebisyon, Republika tuwing Martes, sa ganap na 8:00 ng gabi sa Channel 1, Destiny Ch. 8, Sky Ch. 213), ilang taon na ang nakalilipas. Naging panauhin ang dalawang matinik na abogado na sina Jeremy Gatdula at Raymund Alikpala na kapwa nakapag-aral sa ibang bansa. Naging matalino at magalang ang pondahan. Pati isyu sa “karapatan” magbihis babae sa trabaho, paggamit ng ladies comfort room ng LGBT ay nadaanan din.
Sa usapang kasal para sa LGBT, naging malinaw na hindi pa handa ang ating lipunan sa ganitong pagbabago. Aminado rin naman ang ilang LGBT sa ganitong katotohanan dahil karamihan ng Pilipino ay Kristiyano at konserbatibo sa pag-uugali.
Matatandaang hindi makasungkit ng kahit isang puwesto sa Kongreso ang Partylist na “Lad-Lad” kahit, sa una pa lang, ipinangalandakan na maraming LGBT sa bansa kaya makatitiyak silang makakaupo bilang mambabatas. Kamakailan lamang, muling nagbaga ang isyu nang sabuyan ng suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tinaguriang “same-sex marriage”. Habang binabasa pa ang tunay na paninindigan ng Palasyo tungkol dito, dahil ilang buwan lang ang pagitan, tutol si DU30 sa kasalang LGBT dahil hindi daw katulad sa banyagang kultura ang ating bansa.
Si Congresswoman Geraldine Roman (transgender) ng Bataan ay may patas na pananaw sa nasabing debate. Wika niya, “Huwag na lang kasal. Ibigay na natin sa kanila dahil sa relihiyon ‘yan. Ang habol natin ay ‘civil rights’”. Bale may panukala si Roman na isama sa “Civil Partnership” ang mga LGBT na nais magkaroon ng pangmatagalan/panghabam-buhay na relasyon at pananagutan sa isa’t isa. Nakapaloob ito sa House Bill No. 6595. Layon din ng nasabing bill ang gawaran ng mga karapatan ang parehong kasarian na umampon, magmana, maghiwalay atbp.
Sa kanluraning bansa, may kahalintulad sila nito na ang tawag ay “Domestic Partnership/Union”. Nasa tamang daan si Roman sa ganitong diskarte lalo na sa mata ng batas na mapanuri sa mga “termino at definitions”. Halimbawa, ang ‘murder’ ay hindi ‘homicide’, o ‘reckless imprudence resulting in homicide’. Magkaiba ang tatlo kahit patay din ang biktima.