Hinihimok si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na kunin na ang lahat ng mga dokumento kaugnay sa kasunduan ng nakalipas na administrasyon para sa pagbili ng P3.5 bilyong halaga ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

“Kung ako sa kanya pasusugod ko na yang mga ahente ng NBI, I-seize na lahat ng mga dokumento tungkol rito sa dengvaxia, right now,” sabi ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) lawyer Ferdinand Topacio.

Nababahala si Topacio na sinisira na ngayon sa mga opisina ng pamahalaan ang mga dokumento kaugnay sa kasunduan.

“May nagsabi po sa akin na isang insider na shine-shred na raw ang mga dokumento,” lahad niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Iginiit ng abogado na hindi na kailangan ng NBI na kumuha ng search warrants para samsamin ang mga dokumento. “Those are government documents, those are official documents,” paliwanag ni Topacio.

“I-sieze nila baka pa masira yung mga natitira,” giit niyang muli.

IMPLEMENTASYON LANG

Samantala, nagsalita si dating Education Secretary Br. Armin Luistro FSC kaugnay sa dengue immunization program ng pamahalaan na nagsimula sa kanyang termino bilang Department of Education (DepEd) Secretary.

Sinabi ni Luistro, ngayon ay President ng De La Salle Philippines at Philippine Business for Social Progress (PBSP), sa Manila Bulletin na kahit na kinonsulta ang DepEd sa paghahanda para sa implementasyon ng dengue vaccination program, ang Department of Health (DoH) pa rin ang nangungunang ahensiya sa pagpapatupad nito.

Sinabi niya na nakatuon ang mga diskusyon sa kung paano ito ipatutupad sa public schools “rather than the medical formulation of the vaccine itself which is within the area of expertise of the DoH.” - Jeffrey G. Damicog at Merlina Hernando-Malipot