LOS ANGELES (AP) – Naunsiyami ang masayang gabi ng Lakers fans nang maungusan ng Golden State Warriors ang Los Angeles, 116-114, sa overtime nitong Lunes (Martes sa Manila).
Hataw si Kevin Durant sa naiskor na 36 puntos, tampok ang tiebreaking 22-foot jumper may 7.3 segundo sa extra period para makopo ng Warriors ang ikasiyam na sunod na panalo.
May tsansa pa ang Lakers na maipanalo o maihatid ang laro sa second overtime, ngunit nabutata ni David West ang potensyal game-tying lay-up ni Lakers star rookie Lonzo Ball sa buzzer.
Panghihinayang ang nadama ng Lakers fans, ngunit hindi na kabilang si Kobe Bryant – binigyan ng tribute sa halftime nang iretiro ang kanyang jersey No.8 at No.24 – nang lisanin niya kasama ang pamilya ang laro nang magsimula ang overtime.
Nasaksihan niya ang sablay na three-pointer ni Kentavious Cadwell-Pope na nagpanalo sana sa Lakers sa regulation.
Nag-ambag si Klay Thompson ng 17 puntos at 10 rebounds.
Nanguna sa Lakers si Kyle Kuzma na may 25 puntos, habang kumana si Brandon Ingram ng 19 puntos para sa Lakers, nabigo sa ikatlong sunod na laro. Kumubra si Ball ng 16 puntos, anim na assists at anim na rebounds.
Sumabak ang Warriors na wala ang injured na sina Stephen Curry, Draymond Green at Zhazha Patulia.
CELTICS 112, PACERS 111
Sa Indianapolis, naisalpak ni Terry Rozier ang dunk mula sa sariling steal may 1.5 segundo ang nalalabi para makumpleto ang matikas na pagbalikwas ng Boston Celtics laban sa matikas na Indiana Pacers.
Hataw si Kyrie Irving sa nakubrang 30 puntos para sa Boston, naghabol sa 107-102 matapos ang jumper ni Victor Oladipo tungo sa huling 31 segundo ng laro.
Naisalpak ni Irving ang magkasunod na three-pointer, kabilang ang huli mula sa matinding depensa sa inbound na nagpuwersa kay Bojan Bogdanovic sa turnover may siyam na segundo ang nalalabi.
Sa huling play ng Indiana, naagaw ni Rozier ang pasa ni Bogdanovic kay Oladipo para makumpleto ang pagbangon ng Celtics.
Nag-ambag si Al Horford ng 14 puntos, 10 rebounds at siyam na assists sa Celtics, habang kumana si Jayson Tatum ng 16 puntos at kumana si Marcus Smart ng 15 punto.
Nabalewala ang nakubrang 38 puntos ni Oladipo, habang humugot sina Darren Collison at Domantas Sabonis ng tig-18 puntos.
ROCKETS 120, JAZZ 99
Sa Houston, naisalpak ni Eric Gordon ang season-high 33 puntos, tampok ang 17 sa fourth quarterpara sandigan ang Rockets kontra Utah Jazz.
Ginamit ng Houston ang 15-0 run sa kaagahan ng fourth period upang tuluyang makontrol ang tempo ng laro. Hindi na nakabawi ang Jazz nang muling kumana ang Rockets.
Nagsalansan si James Harden ng 26 puntos, habang humugot si Clint Capela ng 24 puntos at 20 rebounds.
Nanguna si Rodney Hood na may 26 puntos para sa Utah, nabigo sa ikaanim sa huling pitong laro. Kulang din sa player ang Jazz sa injury nina Dante Exum, Derrick Favors, Rudy Gobert at Raul Neto.
THUNDER 95, NUGGETS 94
Sa Oklahoma City, naisalpak ni Russell Westbrook ang 16 sa kanyang season-high 38 puntos sa fourth quarter, kabilang ang dalawang free throw na nagselyo sa panalo ng Thunder kontra Denver Nuggets.
Kumolekta rin si Westbrook ng siyam na rebounds at anim na assists para sandigan ang Thunder sa panalo sa kabila ng malamyang laro nina Paul George at Carmelo Anthony na umiskor lamang ng walo at apat na puntos, ayon sa pagkakasunod.
Hataw si Harris sa Nuggets sa naiskor na 17 puntos, habang kumana sina Trey Lyles ng 15 puntos at naitarak ni Torrey Craig ang career-high 14 puntos para sa Nuggets, abante sa 10 puntos sa kaagahan ng fourth quarter.
Sa iba pang laro, ginapi ng kulelat na Atlanta Hawks, sa pangunguna nina Taurean Prince at Dennis Schroder na may 24 at 23 punto, ang Miami Heat, 110-104.