HINATULANG guilty ang Glee actor na si Mark Salling sa kasong child pornography nitong Lunes, at inaming pag-aari niya ang umaabot sa 25,000 larawan ng mga batang nakikipagtalik, lahad ng U.S. Department of Justice.
Si Salling, na sinampahan ng kaso noong Oktubre, ay guilty sa child pornography, at pagtatago ng mga larawan ng dalagita at binatilyo.
Sa plea agreement noong Oktubre, isiniwalat ni Salling na nag-download siya ng mga larawan mula sa Internet noong 2015 at gumamit ng software na nakadisenyo para itago ang kanyang mga aktibidad.
Nadiskubre ang koleksiyon sa laptop computer, isang hard drive at isang USB flash drive nang ipakita ni Salling ang ilang larawan sa kanyang girlfriend, na nag-ulat ng krimen sa pulisya, ayon sa Justice Department.
Hinatulan si Salling ng 20 taong pagkakabilanggo, ngunit sa ilalim ng plea agreement, napagkasunduan na sapat na ang apat hanggang pitong taong pagkakakulong.
Pagkatapos ng prison term, sasailalim siya sa 20 taong supervised release. Kailangan din niyang magrehistro bilang sex offender.
Sa Marso 7 gaganapin ang pagdinig sa kanyang sentensiya. - The Wrap