ni Bert de Guzman
SA paglipat sa bagong puwesto ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, may mga nagtatanong kung araw-araw ay may matutumbang drug lords sa New Bilibid Prisons (NBP). Si Gen. Bato ay nakatakdang magretiro sa Enero 21, 2018 (56-anyos na siya), pero binibigyan pa siya ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ng tatlong buwang extension para tapusin ang mga ipinagagawa ng Pangulo.
Hanggang ngayon daw ay pugad pa ng mga ilegal na droga ang NBP at patuloy sa pamamayagpag ang mga panginoon ng bawal na gamot na nagnenegosyo sa loob ng bilyun-bilyong pisong illegal drugs. Babala ni Bato sa drug lords sa oblo: “See you there.” Sana ay masugpo niya ang salot ng droga sa NBP na kinasangkutan umano ni ex-Justice Sec. De Lima na ngayon ay nakakulong sa Camp Crame.
“Magkikita tayo riyan matapos ang extension ko. Kung makikipagbarilan kayo sa akin, kung gusto nilang labanan ako, ito ay magiging madugo. Pero kung hindi sila lalaban, ito ay magiging payapa naman. Ang mahalaga ay tumigil sila (sa illegal drugs),” pahayag ng paboritong pulis ni Mano Digong.
Kung paiiralin ni Bato ang estilong ala-Tokhang sa NBP, siguradong mauubos ang mga drug lord sa oblo, hindi tulad ng nagaganap na pagpapatumba ng kanyang mga pulis sa ordinaryong drug pushers at users dahil NANLABAN daw. Tiyak matutuwa ang mga Pinoy kung ang itutumba ni Bato ay drug lords at shabu suppliers. Marami nang napatay na mahihirap at nakatsinelas na pushers at users, subalit hanggang ngayon ay halos wala o kakaunti lang napapatay na bigatin.
Humarap si ex-Pres. Benigno S. Aquino III sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee tungkol sa isyu ng P3.5 bilyong dengue vaccination program upang magpaliwanag at ipagtanggol ang desisyon ng kanyang administrasyon na ipatupad ito.
Ayon sa hanggang ngayon ay binatang dating pangulo, nais lang nila noon na mailigtas ang buhay ng mga Pinoy sa pananalasa ng dengue. Sila ay nagpasiyang bumili at ipatupad ang bakuna o dengvaxia batay sa available data na ibinigay sa kanya ng mga eksperto sa kalusugan. Kahit isa ay wala raw sumalungat sa implementasyon nito noong Abril 2016.
Nagsimula na ang Simbang Gabi noong Disyembre 16 na matatapos sa ika-24 ng buwan. Sinabi ng mga pari, sana raw ay hindi ito maging Simbang Tulog dahil may mga nagsisimbang inaantok o kaya naman ay ng mga nakainom at sa loob ng simbahan idinaraos ang pagtulog.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Public Affairs Committee (CBCP-PAC), kung ang isang tao ay nakatulog sa Simbang Gabi, ito ay hindi kasalanan ng pari. Badya naman ng kaibigan kong mahilig sa kape: “Hindi dapat habaan ng pari ang sermon. Hindi dapat na paulit-ulit ang pangaral. Dapat ay maikli lang ang sermon para hindi makatulog ang nakikinig.”