INAPRUBAHAN ng Kongreso ang pagpapalawig sa umiiral na batas militar sa Mindanao hanggang sa Disyembre 31, 2018. Mayo 23 nang ideklara ito makaraang sumiklab ang bakbakan sa Marawi, at kalaunan ay pinalawig ng Kongreso hanggang sa huling bahagi ng taong ito. Nitong Disyembre 13, sa isang joint session ay bumoto ang Kongreso ng 240-27 para sa ikalawang pagpapalawig sa batas militar hanggang sa huling araw ng 2018.
Ipinaliwanag ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang mga dahilan ni Pangulong Duterte sa hangaring mapalawig muli ang martial law. Aniya: “Despite the liberation of Marawi City and the eerie silence in the main battlefield, a state of actual rebellion subsists in Mindanao, perpetrated not only by remnants of the Daesh-inspired Da’watul Islamiyah Wallyatul Masriq (DIWM) but also by other local and foreign terrorists groups, including the New People’s Army, and ready to explode at any time. Public safety requires a further extension of martial law and suspension of the privilege of the writ of habeas corpus in Mindanao, in order to quell the rebellion completely.”
Totoong matagal nang may puwersa ng rebelyon at nananatili itong banta sa iba’t ibang panig ng Mindanao. Nagawa ng pamahalan na mahikayat ang Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na makipagnegosasyon, subalit ang Abu Sayyaf, ang Bangsamor Islamic Freedom Fighters (BIFF), at ang mga natitirang kasapi ng Maute Group ay patuloy na lumalaban sa mga puwersa ng gobyerno sa mga liblib na lugar sa Mindanao. Ngayong nabigo ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines, maidadagdag na natin ang New People’s Army sa mga armadong puwersa na nagrerebelde sa pamahalaan ng Pilipinas.
Nababahala ang ilang sektor, hindi dahil sa umiiral na batas militar sa Mindanao, kundi sa posibilidad na ideklara ito sa buong bansa. Sa maraming panayam, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya pinasusubalian ang posibilidad na ito, depende sa kung gaano kaseryoso ang banta ng mga kaaway ng estado. Sinabi ni bagong Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Leonardo Guerrero na ang pagtaya ng militar ay nakabase lamang sa mga impormasyong kasalukuyang hawak nito, kaya naman pinabulaanan niya ang posibilidad ng pagpapatupad ng batas militar sa buong bansa “sa ngayon”.
Dapat na maunawaan ng ating mga opisyal na karamihan sa mga nangangamba sa batas militar ay iyong mga dumanas ng kalupitan ng martial law noong 1972, nang isailalim ni noon ay Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang kapangyarihan ang buong bansa, alinsunod sa mga probisyon ng 1935 Constitution. Ipinasara niya ang Kongreso at nagpatupad ng mga sarili niyang batas sa bisa ng mga presidential decree. Maraming dinakip at nilitis sa mga military court, kabilang ang mga lider ng oposisyon, tulad ni Sen. Benigno Aquino, Jr. Ipinasara maging ang mga tanggapan ng pahayagan at mga istasyon ng telebisyon, upang ang mga impormasyon ay nasala na at ipinagbawal ang maraming ulat tungkol sa mahahalagang pangyayari sa bansa.
Opisyal na binawi ang batas militar noong 1981 subalit nagpatuloy ang malupit at diktaduryang pamahalaan hanggang 1986, nang magsama-sama sa payapang protesta ang mga Pilipino sa EDSA People Power Revolution. Isinulat ang bagong 1987 Constitution, at nilimitahan ang batas militar bilang paraan ng pagkontrol at pagpapakita ng kapangyarihan ng gobyerno. At iprinoklama ng mga Pilipino: “Never again!”
Dahil sa mistulang bangungot na bahaging ito ng kasaysayan ng ating bansa kaya marami ang nangangamba sa martial law, kahit pa tinitiyak ng ating Konstitusyon sa ngayon na hindi na ito maaaring gamitin upang sikilin ang kalayaan ng mga Pilipino, tulad noon. Mas mainam din na huwag gamitin ng mga opisyal ng pamahalaan sa kasalukuyan ang martial law sa mga pagbabanta. Dapat ay bigyang-diin nila na ang mga tapat at mabubuting tao ay hindi dapat na mabahala sa batas militar, at igiit na ang kalayaang ginagarantiyahan ng Konstitusyon ay buong giting na ipaglalaban at isasakatuparan.