SURIGAO CITY – Patay ang isang 73-anyos na tripulanteng Australian makaraan ang anim na araw na pagpapalutang-lutang sa karagatan ng Siargao Island sa pagtatangka niya, kasama ang dalawa pang kaibigan at kababayan, na maglayag mula sa Australia hanggang Subic Bay sa Zambales, subalit lumubog ang kanilang yate, ayon sa pulisya.

Ayon sa mga report, palutang-lutang ang tatlong Australian may 50 milya sa baybayin ng Siargao nang mamataan sila ng tatlong lokal na mangingisda bandang 10:00 ng umaga nitong Linggo. Nang mga panahong iyon ay wala na umanong malay si Anthony John Mahoney, 73, ng Queensland.

Sinabi ng pulisya na kasalukuyan nang nagpapagaling sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City sina Lawrence Alered Mallea, 68, taga-Queensland din; at Lionec Peter Ansselin, 74, na naninirahan sa Barangay Baccuit Sur sa Bauang, La Union.

Ayon kay PO3 Evelyn Tidula, ng Tandag City Police, nakita nina Jonnifer Piosang at Albert Murillo ang tatlong Australian habang nangungunyapit sa life buoy at kumakaway habang pabalik na ang mga mangingisda sa Tandag.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Iniligtas nina Piosang at Murillo ang tatlong dayuhan at dinala sa ospital sa Tandag.

“The victims who were floating in the waters for six days kept holding on to their life buoy,” sinabi ni Tidula sa media sa isang panayam sa telepono nitong Lunes ng hapon. “Unfortunately, Anthony John Mahoney did not make it as he was unconscious at the time they were rescued.”

Sinabi ni Tidula na naglalayag ang mga Australian mula sa Australia patungong Subic Bay sakay sa yate nang lumubog ito matapos magkabutas ang ibabang bahagi ng sasakyan.

“Based on the post-mortem examination, Mahoney died of severe dehydration,” sabi ni Tidula, at idinagdag na maayos na ngayon ang lagay nina Mallea at Ansselin. - Roel N. Catoto