BUTUAN CITY – Apat na lindol ang yumanig sa mga lalawigan ng Surigao del Norte at Davao, sinabi kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Gayunman, iniulat ng mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng dalawang lalawigan na walang naiulat na napinsala o nasugatan sa lindol.

Batay sa tala nito, sinabi ng Phivolcs na isang 3.6 magnitude na lindol ang nairehistro dakong 9:03 ng gabi nitong Lunes, Disyembre 18. Ang epicenter nito ay natukoy sa 201 kilometro (km) sa timog-silangan ng Sarangani, Davao Occidental, at may lalim na tatlong kilometro.

Bandang 10:46 ng gabi ng kaparehong araw nang naitala naman ang 2.3 magnitude sa 105 km sa hilagang silangan ng Baganga, Davao Oriental, na may lalim na 339 km, ayon sa Phivolcs.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Iniulat din ng ahensya na nakapagtala pa ng isa pang 2.4 magnitude na lindol dakong 4:05 ng hapon nitong Lunes, may 13 km sa hilagang silangan ng Burgos, Siargao Island, Surigao del Norte, na may lalim na 9 km.

Isa pang 2.9 magnitude na lindol ang naitala bandang 7:41 ng umaga ng kaparehong araw may limang kilometro sa timog-kanluran ng Burgos, Siargao Island, na may lalim na 6 km, ayon sa Phivolcs. - Mike U. Crismundo