ni Clemen Bautista
BAWAT bagay ay may panahon. May panahon ng mga pula at puting rosas na namumukadkad sa mga luntiang halamanan. Nakabilanggo sa makipot na kahong plastik na kulay bughaw. Natatalian ng pulang laso na palalayain naman ng malalambot at mapuputing kamay.
May panahon ng dugong pumapatak sa lupa habang pinayuyukod ng mga hagupit at latay. Malungkot at tahimik na binabagtas ang 14 na landas ng via crucis.
May panahon para sa dagat at buhangin. Nag-aalab na pag-iibigan sa ilalim ng nakapapasong sikat ng araw na tutunawin din ng mga unang patak ng malamig na ulan.
May panahon din para sa mga lupa, sementado at marmol na puntod. Hanay ng mga nilinis na puting krus at tahimik na pananalangin para sa yumaong minamahal.
Ngunit ang masasabing natatangi, kaibig-ibig at naiibang panahon sa lahat ay ang panahon ng Kapaskuhan. Naiiba sapagkat ang diwa nito’y nadarama at nakararating mula sa palasyo ng mayayaman hanggang sa bahay ng mahihirap at maging sa mga barung-barong ng informal settlers. Abot maging sa mga nakatira sa tabi ng riles ng tren, estero, sapa, ilog at tapunan ng basura, na ang mga bahay ay pinagkabit-kabit na karton at mga kupas na tarpaulin at trapal.
Ang tunay na diwa ng Pasko ay sinasabing pag-ibig sa kapwa tao. Kasing-kahulugan ito ng diwa at nilalaman ng awit ng mga anghel nang isilang ang Banal na Manunubos sa Bethlehem noong unang Pasko. “Gloria in excelsis Deo, Et in terra pax hominibus bonae voluntatis.” Luwalhati sa Diyos sa Kataas-taasan at sa lupa’y Kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban. Sa ngayon, masayang inaawit ito ng choir sa misa at ng mga nagsisimba, na ang pamagat ay “Papuri sa Diyos”.
Sa bawat tao, ang Pasko’y may iba-ibang kahulugan. Sa isang mag-anak na Pilipino, ang Pasko’y araw ng pagsasaya. Masaya ang araw na ito sapagkat ito ang natatanging panahon sa buong isang taon na ang lahat ay nag-uukol ng mabuting saloobin at hangarin sa kapwa.
Nililimot ang mga ‘di pagkakaunawaan, ang pagtatampuhan, ang pag-iiringan at ang maging ang larangan ng digmaan ay sandaling tumatahimik bilang paggalang sa araw ng pagsilang ng Dakilang Mananakop.
Mababanggit na halimbawa ang tigil-putukan o ceasefire na ipinaiiral noon ng ating pamahalaan laban sa mga kababayan nating namundok o mga miyembro ng CCP-NPA (Communist Party of the Philippines-New People’s Army). Kamakailan, sa nilagdaang Declaration ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ipinahayag niya bilang teroristang pangkat ang NPA.
Bilang paggalang sa Pasko at Bagong Taon noon, ang pamahalaan ay nagdedeklara at nagpapatupad ng SOMO (stop of military operations) sa mga rebelde. Sa Paskong darating at sa Bagong Taon, marami tayong kababayan ang naghihintay kung ang SOMO ay ipatutupad pa rin ng rehimeng Duterte.
May mga nagtatanong. Lahat kaya ay nakasusunod sa diwa ng Pasko? Bawat Pilipino kaya ay nakapag-uukol ng matapat na saloobin sa kanyang kapwa? Nakapagpapaligaya kaya sa kanyang kapwa tao nang higit sa kanyang sarili?
Kung sumasapit ang Pasko, hindi lahat ng mag-anak ay masasaya. Hindi lahat ng pamilyang Pilipino ay nakatitikim ng masasarap na pagkain kung Noche Buena. Nakapagsasabit ng parol at nakapagbibigay ng aguinaldo sa mga mahal sa buhay. Sa mahirap na mag-anak, ang nakasisilaw at makukulay na liwanag ng Christmas lights ay nakapagpapatingkad lalo sa kanilang kahirapan. Sa kanila, ang Pasko’y magiging araw lamang ng kapaitan at kalungkutan, sapagkat lalo lamang nilang madarama ang kanilang pagiging kapus-palad, mga anak ng dalita.
Bukod sa nasabing mga tanawin sa panahon ng Kapaskuhan, ang Pasko’y may iba ring anyo, kahulugan at pananaw sa mga nawalan ng mahal sa buhay, tulad ng inyong lingkod na ngayon ay marami nang Pasko na wala sa aming piling ang butihing kabiyak ng aking puso. Nagbalik na siya sa kanyang Manlilikha matapos igupo ng tumor sa utak.
Kung araw ng Pasko, hindi maiwasan na nakadarama ng kawalan at kahungkugan. Maaaring makitang may ngiti sa labi ang naulilang tulad ng isang ama, ina, kapatid, o anak. Ngunit sa kanilang puso at damdamin, naroon ang nakatagong pait at kalungkutan. Ang Pasko’y panahon ng pagsasaya subalit ito’y hindi mapigil na pagluha sa isang nawalan ng mahal sa buhay.
Maging anuman ang anyo at mukha ng Pasko, ang diwa nito na naglalayong maghatid ng pag-ibig, pag-asa at kapayapaan sa kapwa ay hindi nagbabago. Laging nasa puso ng bawat tao na marunong magmahal sa kanyang kapwa. Buhay na pumipintig sa puso ang pananalig sa Dakilang Mananakop.