ni Bert de Guzman
PANIBAGONG extension o pagpapalawig ng isang taon ang ibinigay ng Kongreso sa kahilingan ni President Rodrigo Roa Duterte para manatili ang martial law sa Mindanao. Sa botong 240-27 pabor sa ML extension, natamo ni PRRD ang kagustuhang pairalin ang batas militar sa Katimugan na pinagmulan niya.
Para sa taga-oposisyon, kabilang si Albay Rep. Edcel Lagman, ang pagpapalawig ay walang “factual constitutional basis”. Hanggang Disyembre 31, 2018 mananatili ang martial law sa Mindanao, na kung tawagin noong araw ay “Lupa ng Pangako”. Magiging ikalawang extension ito ng ML na idineklara ng Pangulo noong Mayo matapos salakayin at okupahan ng teroristang Maute -ISIS ang Marawi City.
Maging ang taumbayan, lalo na ang mula sa Mindanao, ay kumporme sa pagpapalawig sa batas militar. Payapa raw ang kanilang kalooban at isip sapagkat ang military at police ang magsisilbing kalasag nila o security forces laban sa plano at pagtatangka ng teroristang Maute-ISIS, BIFF at ng rebeldeng New People’s Army na maghasik ng lagim at karahasan sa kanilang mga lugar.
Gayunman, halos nagkakaisa ang malaking bilang ng mamamayan na dapat iwasan ni Mano Digong na tangkaing magdeklara ng martial law sa buong bansa. Tiyak daw na tutol dito ang Visayas at Luzon. Sana ay iwaglit niya sa isip ang bagay na ito sapagkat may trauma ang mga Pilipino sa martial law na minsan nilang naranasan sa ML at diktadurya ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos.
Pawang mula sa opposition group ang kontra sa ML extension. Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang batayan ang pagpapalawig sapagkat “liberated” na ang Marawi City at mismong si PDu30 ang nagsabi na wagi ang militar at police sa bakbakan sa mga terorista. Kailangan din daw na may aktuwal na pananakop at rebelyon sa bansa, at hindi “imminent danger” lang.
Kasama ni Drilon sa pagkontra sa pagpapalawig sina Senators Kiko Pangilinan, Bam Aquino at Risa Hontiveros. Sa panig ng Kamara, kabilang sa bumoto ng “No” sina Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte, Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, at Ifugao Rep. Teddy Baguilat na nagsabing kaya namang sugpuin ng militar at police ang mga banta ng terorista kahit walang ML.
Kung si AFP chief of staff Gen. Rey Leonardo Guerrero ay binigyan ng four-month extension ni Pres. Rody, binigyan naman ng tatlong buwang extension sa tungkulin ang paborito niyang pulis, si PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa. Katwiran ni PDu30, may ipinagagawa pa siya kay Bato kaya dapat itong manatili sa puwesto ng tatlo pang buwan. Ipupuwesto si Bato sa Bureau of Corrections. Humanda kayo mga preso at baka kayo ma-Tokhang.
Naghain ng impeachment complaint laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang Volunteers Against Crime and Corruption noong Miyerkules sa Kamara. Habang isinusulat ko ito, wala kahit isang mambabatas ang nagpahayag ng endorsement laban kay Morales. Mukhang mas buwenas si Ombudsdman kaysa kay SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno sapagkat umuusad ang reklamo laban sa huli.