ni Ric Valmonte
INIHATID na sa huling hantungan ang labi ni retired priest Fr. Marcelito “Tito” Paez na tinambangan habang sakay sa minamaneho niyang kotse sa Jaen, Nueva Ecija noong Disyembre 4. Ang pare ay coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines.
Ilang oras bago siya paslangin, tinulungan niyang makalaya ang umano ay political prisoner na si Rommel Tucay sa Cabanatuan City. Dahil dito, sinisi ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang gobyerno sa nangyaring ito, at hindi pa natatagalang mga karahasan laban sa mga taong Simbahan na nakisama at tumulong sa mga dukha.
“Hinihiling namin sa gobyerno na ihinto ng security forces ang karahasan nito sa mga taong Simbahan na naglilingkod at tumutulong sa mga mahirap para sa kanilang ikakaunlad,” pahayag ng National Secretariat for Social Action (NASSA) ng CBCP. Inisyu ng NASSA ang pahayag na ito dalawang araw pagkatapos ilibing si Fr. Paez. “Tinutulungan lamang ng mga taong Simbahan,” sabi ng NASSA, “ang pamahalaan sa kanyang tungkuling itaguyod at ipagtanggol ang human rights ng mga Pilipino para sa panlahat nilang kagalingan.”
Ang atake, aniya, sa mga taong Simbahan ay atake sa Simbahang Katoliko at sa misyon nito. “Ang brutal na pagpatay ay atake sa Simbahan at sa kanyang misyon para sa katarungang panlipunan at pagbibigay kapangyarihan sa mga dukha,” sabi pa ng NASSA.
Ang problema sa isyung ito ng pagtulong sa mahirap at pagtataguyod sa karapatang pantao ay ang maling kaisipan ng mga makapangyarihang tao na namamahala ng gobyerno. Kinamumuhian at ayaw marinig ni Pangulong Duterte ang human rights. Galit siya sa mga nagsasabing igalang ang karapatang pantao ng mga napapatay sa kanyang war on drugs. Lagi niyang ikinakatwiran na hindi lang ang mga ito ang may karapatang pantao, higit sa lahat, ay ang mga nabiktima ng mga karumal-dumal na krimen ng mga ito.
Ganito rin sinita ni Speaker Panteleon Alvarez ang mga komisyuner ng Commission on Human Rights (CHR) nang dumalo sila sa pagdinig ng hiniling na budget para sa kanilang ahensiya. Hindi raw niya narinig ang CHR na binatikos ang mga gumawa ng karumald-umal na pagpatay sa mga miyembro ng pamilya sa loob ng kanilang tahanan sa San Jose del Monte, Bulacan. Kung siya ang masusunod, ayaw na niyang bigyan ng pondo ang CHR. Nais na niyang buwagin ito, kahit nilikha ito ng sambayanan, alinsunod sa Saligang Batas.
“Ang pagpatay sa mga taong Simbahan ay sumasalamin sa pagsama sa pagpapahalaga sa buhay ng tao ng mga taong naatasang proteksiyunan ang mga karapatang pantao,” dagdag pa ng NASSA.
Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, talagang bumaba ang uri ng pagtrato sa human rights sa hangarin nitong lutasin ang problema ng bayan sa mabilisang paraan. Para sa pamahalaan, sagabal ang human rights sa hangarin nitong lutasin ang problema ng bayan sa mabilisang paraan. Dahil para sa namumuno, sagabal ang human rights sa kanyang layunin, kalaban ang turing niya sa mga nagtataguyod nito at nananawagang igalang ito.
Pero, mahirap na sindakin ang mga tao na ang puso ay para sa mga mahirap at api, at higit sa lahat para sa kapayapaan, tulad ni Fr. Paez. Hindi mauubos, bagkus ay lalago pa ang kanyang lahi, dahil ang katulad niya ay handang isakripisyo ang sariling buhay upang ang tao ay mabuhay nang marangal at disente sa mapayapang pamayanan, sa kabila ng abang kalagayan.