PINSALA NG BAGYO. Bitbit ang kanyang sanggol, nakatayo ang ginang sa harap ng mga nawasak na bahay at natumbang mga puno sa Bgy. San Mateo sa Borongan, Eastern Samar, na matinding sinalanta ng ‘Urduja’. (AFP)
PINSALA NG BAGYO. Bitbit ang kanyang sanggol, nakatayo ang ginang sa harap ng mga nawasak na bahay at natumbang mga puno sa Bgy. San Mateo sa Borongan, Eastern Samar, na matinding sinalanta ng ‘Urduja’. (AFP)

Nina NESTOR ABREMATEA at RESTITUTO CAYUBIT

Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Biliran, Leyte at Northern Samar dahil sa matinding pinsalang idinulot ng bagyong 'Urduja' sa nasabing mga lalawigan.

“We have been hit by strong typhoons in the past such as super-typhoon Yolanda, but ‘Urduja’ is the most damaging storm,” sinabi kahapon ni Biliran Gov. Gerardo Espina, Jr. “The extent of damage was unexpected with ‘Urduja’s’ maximum winds of less than 100 kilometers, but its heavy rains dumped three days before its landfall was very destructive.”

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nagkaroon ng mga landslide sa mga bayan ng Naval, Caibiran, at Almeria, at kinumpirma ng gobernador ang pagkasawi ng 26 na katao, bagamat 23 bangkay pa lamang ang natatagpuan. Nasa 28 naman ang nawawala.

Inihayag naman kahapon ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 8 na nasa 32 na ang nasawi sa bagyo sa Eastern Visayas: 27 sa mga ito ay sa Biliran, isa sa Leyte, dalawa sa Samar, at dalawa sa Ormoc City.

Sinabi ni Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, regional information officer ng Police Regional Office (PRO)-8, na nasa 29 ang kabuuang bilang ng mga nawawala.

Sinabi naman ni Leyte Vice Gov. Carlo P. Loreto na kinailangang isailalim ng Sangguniang Panlalawigan ang buong probinsiya upang malubos ang paggamit sa pondo para ayudahan ang mga sinalantang Leyteño.

Samantalam, posibleng papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ngayong Martes ang isa pang low pressure area (LPA) na posibleng maging bagyo sa susunod na mga araw.

Inihayag ni Obet Badrina, weather forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na huling namataan ang nasabing sama ng panahon sa layong 1,500 kilometro sa silangan ng Mindanao.

Kapag tuluyan nang pumasok sa bansa at maging bagyo ay tatawagin itong ‘Vinta’.

Inaasahan namang lalabas na sa PAR ang Urduja kahapon o ngayong Martes, makaraang mag-landfall ng anim na beses sa Visayas at Palawan.

May ulat ni Rommel P. Tabbad