ANG suwerte naman ng mga mananalo sa 43rd Metro Manila Film Festival Awards Night dahil one of a kind ang matatanggap nilang tropeo mula sa bagong disenyo ng art designer na si Clifford Espinosa ng Espinosa Arts and Design.

Gustung-gusto namin ang ipinakitang tropeo na gawa sa hardwood tulad ng Narra, Ipil-ipil at Yakal mula sa mga lumang bahay na kahit ilang bagyo at baha ang dumaan ay nanatiling buo.

May nagbiro pa nga na hindi raw tulad sa ibang tropeo na nalalaglag ang mga letra, nababasag o nababali at nag-iiba ang kulay -- na totoo naman.

“Kung mapapansin n’yo ang clapperboard ‘tapos nagiging megaphone, ang media po kasi ng film is light and sound,” kuwento ng chief designer ng EADA. “So, nagiging waves po iyan as they travel in space. At the same time, gawa po ito sa lumang kahoy, wala pong bagong kahoy na ginamit dahil may advocacy kami ng manual demonstration.”

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Nabanggit pa na ang magkakapatong na kahoy ay simbolo ng betamax at tapes na nauso noong araw.

“Itong tatlong butas naman po, ito ‘yung three major components ng filmmaking -- ‘yung story, ‘yung tao, at saka technology.

“’Yun namang dalawang kulay ng kahoy, mayroong light brown at dark brown -- ito ‘yung saya at lungkot ng pelikulang Pilipino,” paliwanag ni Mr. Espinosa.

May katuturan naman talaga ang bagong disenyo ng tropeo at igagawad ang mga ito sa 43rd MMFF Gabi ng Parangal na gaganapin sa Disyembre 27 sa Kia Theater, Araneta Center, Cubao, Quezon City.

Samantala, maraming nabitin na katoto sa 43rd MMFF Christmas party for the press dahil kakaunti raw ang ipinamigay na premyo kumpara noong 2016 at mas maraming festival passes din daw noon na ipinarapol kaya halos lahat ay umuwing nakangiti kaysa ngayon.

Kung kailan mas magaganda at tiyak na kikita ang mga pelikulang kasali sa MMFF na binubuo ng Ang Panday, Siargao, All of You, Meant To Beh, Deadma Walking, Haunted Forrest, Ang Larawan at Gandarrapiddo The Revenger Squad ay saka naman nagtipid ang pamumuan ng MMDA sa pamimigay ng regalo at festival passes.

Anyway, advance congratulations sa lahat ng magwawagi ngayong 2017 Metro Manila Film Festival at sana’y maabot ang target na isang bilyong pisong revenue. --Reggee Bonoan