Baeby Baste
Baeby Baste
ANG chubby-cheeked five-year-old na si Baeby Baste (ipinanganak na Sebastian Benedict Granfon) ay hindi lang magpapa-impress sa telebisyon kundi maging sa pelikula.

Simula ngayong Pasko, ang pinakabatang host ng Eat Bulaga ay magpapakita ng kanyang karisma sa big screen sa pamamagitan ng family-comedy movie na Meant To Beh na pinagbibidahan nina Dawn Zulueta at Vic “Bossing” Sotto.

Isa sa walong kalahok sa 2017 Metro Manila Film Festival (MMFF), ang nasabing proyekto ay unang pagsabak ni Baste sa acting. Ayon sa direktor ng pelikula na si Chris Martinez, hindi madi-disappoint ang mga manonood sa ipinakita ng child star.

“Na-deliver niya ang lines niya at maganda ang kanyang performance. Itong bata na ito ay limang taong gulang lamang, hindi pa siya nagbabasa. Ang galing niya sa pelikula at kailangan abangan dahil gugulatin kayo ni Baste dahil ginawa niya ang lahat -- sumayaw, kumanta, umiyak, at nagpatawa. He’s a natural born entertainer,” kuwento ni Direk Chris.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Ayon naman kay Vic, isa sa mentors simula nang pumasok sa showbiz si Baste mahigit dalawang taon na ang nakalilipas, sa edad niya at considering na hindi pa marunong magbasa ay nai-deliver niya ang acting na hinihingi sa karakter niya.

Saad ni Vic, may kongkretong ideya na si Baste sa paggawa ng pelikula at kung paano umarte.

“Hindi ko akalain na mapapaarte siya ni Direk Chris. At first we were just thinking na pa-cute lang. But no, he knows what he’s doing. Naiintindihan na niya kaya hindi kami nahirapan kasi alam namin na sanay siya sa Eat Bulaga na kakanta na lang siya. I was really surprised.We were really surprised, na he has a talent in acting kahit di pa siya marunong magbasa.”

Pinasalamatan din ni Vic ang ina ni Baste na si Mommy Shiela sa paggabay at tulong nito habang ginagawa ang pelikula. Si Mommy Shiela kasi ang tumutok sa pagbabasa ng lines ni Baste, lalo na nang mahirapan ito sa mahahabang Tagalog lines ng script.

“Kailangan kong iarte talaga sa kanya ‘yung dialogues kasi hindi pa siya nakakapagbasa. So, kokopyahin niya ‘yung acting ko. Parang mas na-pressure ako kesa kay Baste dahil limited time lang naman ang meron kami. Ayaw din niya na magkamali sa mga eksena,” kuwento ni Mommy Shiela.

Hindi mapaghiwalay ang mag-ina simula ng magdesisyon ang kanilang pamilya na lumipat sa Manila mula General Santos City para makapag-concentrate sa showbiz career ni Baste.

Si Baste, na 2-taon gulang lamang noon, ay unang nakilala sa kanyang dubsmash videos na in-upload ng kanyang tiyahin sa Facebook. Una siyang lumabas sa segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho bago nakita bilang isa sa studio audience sa The Ryzza Mae Show.

Nang makita siya ng Eat Bulaga creative head na si Jeny Ferre sa programa, agad siyang ipinahanap.

“Sino naman ang hindi mai-in love sa isang baby na tulad niya? ‘Pinahanap ko talaga siya nu’ng time na ‘yun kasi si Ryzza ay nagho-hosting na at gumagawa na ng teledrama. Wala kaming bata na isasama sa program, iba din kasi pag may bata ka sa set kasi mas masaya at parang bata lang din kayo,” sabi ni Jeny Ferre.

Kuwento pa ni Mommy Shiela, may pag-aalinlangan sila matapos mag-screen test si Baste dahil hindi nila kabisado ang Maynila, ngunit nakita nila na mahal si Baste ng kamera.

“He’s really ahead of his age. At one-year-old marunong na siya mag recite ng alphabet, alam na niya ang basic colors and shapes and musically inclined na siya. Kumakanta siya kahit medyo bulol pa ang lyrics. Noong panahon na yun bago ang environment sa amin pero kumportable na agad siya sa mga taong nakapaligid sa kanya.”

Tatlong taon na simula nang maging bahagi si Baste ng longest running noontime show at patuloy siyang regular na napapanood sa telebisyon, nakapag-launch na ng kanya single, lumabas sa maraming commercials at ngayon nga ay bahagi ng MMFF movie ni Bossing.

Ayon kay Mommy Shiela mas passionate ngayon si Baste sa mga ginagawa nito sa telebisyon. Alam ng 5-taong gulang na hindi lamang siya magpapasaya ng manonood kundi dapat ma-impress din ang kanyang mga boss.

“Super nag-i-enjoy siya and super love niya ang ginagawa niya. Kasi sa ganyang age, hindi mo ma-please pagka-ayaw niya. Pag ayaw niya ng environment or yung mga kasama niya araw-araw, hindi talaga. Sobra yung dedication niya sa trabaho. Never siyang tinatamad and nagse-set talaga siya ng goal.”

Sa ngayon, tinitiyak nina Mommy Shiela at Daddy Sol na hindi nami-miss out ni Baste ang kanyang kabataan nag-aartista na siya. Ang reward nila rito ay play dates at ang kanyang favorite relaxation activity, ang swimming.

“We make sure to celebrate his accomplishments, kahit maliit ‘yan or malaking achievements ‘yan. Ayaw namin nama-miss niya yung childhood years niya. We also introduce him to simple games, like tagu-taguan or Langit-Lupa. Kahit sa studio, makikipag laro siya sa mga staff. Ito na talaga yung playground niya.”

Dagdag pa ni Mommy Shiela, hanggang ngayon ay hindi sila makapaniwala sa suwerteng ibinigay sa kanilang pamilya. Nagpapasalamt siya sa mga tao sa likod ng Eat Bulaga na nagbigay ng pagkakataon kay Baste na hasain ang kanyang skills at talents sa singing, acting and hosting.

“Kung hindi sa tulong ng Panginoon, ng aming pamilya, at ng mga mabubuting tao ng programa, wala lahat ito. Nagpapasalamat kami sa lahat dahil ‘tinuring nila kaming parte ng pamilya. Ako at ang aking asawa, masayang masaya kami at proud sa mga na-achieve ni Baste. Malaking pasasalamat namin sa tiwala na ibinigay nila sa amin at ibabalik din namin ang tiwala na ‘yun.”

Kapag si Baste naman ang tinatanong kung bakit gusto niyang maging artista, ang sagot niya ay gusto niyang makapagbigay saya sa masa.