Kalaboso ang isang binata makaraang sitahin sa pag-ihi sa pampublikong lugar at makumpiskahan pa ng paltik na baril sa Pasay City, nitong Sabado ng hapon.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng Pasay City Police si Andrew Bueno Jr. y Ginez, alyas “JR”, 27, ng Briton Street, Barangay 50, Pasay.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), sinita ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Buendia-Police Community Precinct (PCP) ang suspek sa pag-ihi sa pader sa panulukan ng Taft at Gil Puyat Avenues malapit sa DLTB Terminal sa Bgy. 37, dakong 4:00 ng hapon.

Dahil sa paglabag sa umiiral na City Ordinance 1572 (urinating in public place), kinapkapan ni PO1 Pacio si Bueno at nakuhanan umano ng isang .38 caliber revolver na may limang bala.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Idiniretso ang suspek sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch ng pulisya upang isailalim sa imbestigasyon at beripikasyon kung may nakabimbin itong kaso o warrant of arrest, pero kakasuhan na ng illegal possession of firearms. - Bella Gamotea