POSITIBO ang mga Pilipino na mapapabuti ang kanilang mga buhay, at ang ekonomiya ng bansa sa kabuuan, sa susunod na taon.
Maikukumpara ito sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre: 47 porsiyento ang nagsabing inaasahan nilang giginhawa ang kanilang mga buhay sa 2018, laban sa apat na porsiyento na nagsabing inaasahan na nilang lalala ang kanilang sitwasyon.
Maiuugnay ito sa katotohanang ang mga ganitong panahon ay karaniwan nang kinatutuwaan sa Pilipinas. Panahon ito ng anihan sa huling bahagi ng taon sa mga lalawigan. Ramdam na rin ang amihan — ang malamig na hangin mula sa mga rehiyon sa hilaga-silangan ng planeta — kaysa habagat mula sa maiinit na equatorial region sa timog-silangan.
Para sa mayorya ng mga Kristiyano sa Pilipinas, ito ang panahon ng Pasko. Sa katunayan, marami ang sinisimulan na ang selebrasyon ng Pasko sa unang araw pa lamang ng Setyembre. Naabot na nito ngayon ang rurok ng pagdiriwang, nangagsabit na ang mga tradisyunal na parol sa mga lansangan, kabi-kabila ang mga programa at kasiyahang Pamasko sa mga eskuwelahan at tanggapan, at nagbibigayan na rin ng mga bonus, habang nag-uumapaw sa mga nagsisimba ang mga bakuran ng mga Simbahan para sa Simbang Gabi.
Kahit sa Mindanao, sa mga komunidad ng mga Muslim at Lumad, positibo ang pagtatapos ng taon para sa kanila kasunod ng pagwawakas ng limang-buwang bakbakan sa Marawi City. Minsan silang nangamba na tuluyan nang makukubkob ng Maute Group, na suportado ng Islamic State, ang siyudad at mananaig laban sa militar, subalit natuldukan na ang rebelyon at sisimulan na ang rehabilitasyon ng lungsod.
Subalit higit pa ang pag-asam ng mabuti para sa bansa kaysa paborableng klima ngayong panahong ito, sa diwa ng Pasko, at sa panunumbalik ng kaayusan sa katimugan. Positibong pag-asam din ang hatid ng mga inaasahang pagbabago sa bansa sa mga susunod na buwan at taon.
Sa pagkaka-apruba kamakailan sa Pambansang Budget, nabigyang pahintulot na ang inilaang pondo para sa malawakang programa sa imprastruktura na magpapasigla sa ekonomiya sa iba’t ibang panig ng bansa—pagpapatayo ng mga kalsada at tulay, mga gusali at silid-aralan, mga paliparan at pantalan, mga riles, at maging subway para sa Metro Manila. Ang bawat isa sa maraming proyektong ito ay makaaapekto sa ekonomiya. Higit na mahalaga para sa mga karaniwang tao ay mangangahulugan ito ng maraming trabaho at pagkakakitaan para sa mga matagal nang nairaraos ang pang-araw-araw na mga pangangailangan nang walang regular na kita.
Ang Gross Domestic Product (GDP) na lumobo sa 6.9 na porsiyento sa huling bahagi ng taon, ang upgraded outlook ng Asian Development Bank para sa pag-unlad sa Pilipinas sa 2018 na itinaas sa 6.8 porsiyento, ang pagtataas ng Fitch Ratings sa investment rating ng Pilipinas sa “BBB”—ay pawang sumasalamin sa napakapositibong pagkilala ng pandaigdigang komunidad sa sumusulong na ekonomiya ng bansa.
Natukoy din sa SWS survey na kaisa ang mga Pilipino sa kumpiyansa ng mundo sa ating bansa. Mayroon pa ring ilang problema na kailangang tugunan, mayroon matinding pag-asam sa inaasahang pagbabagong matutunghayan, at makabubuti ito para sa bansa sa kabuuan at sa buhay ng bawat isa sa atin.