INIHAYAG ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na lumagda ang tanggapan nito sa Region 10 sa Memorandum of Agreement kasama ang anim na ospital na accredited ng ahensiya sa Cagayan de Oro City para magpatupad ng No Hospital Deposit Policy sa mga miyembro ng PhilHealth sa lungsod.
Ang kasunduan ay nilagdaan nitong Sabado sa Cagayan de Oro City.
Ayon kay Dr. Israel Paragas, PhilHealth OIC vice president for corporate affairs group, layunin ng nasabing kasunduan na patatatagin ang Republic Act 10932, o ang “No Hospital Deposit Law.”
“It mandates that ‘in emergency or serious cases, it shall be unlawful for any hospital or medical clinic to request, solicit, demand or accept any deposit or any other form of advance payment as prerequisite for administering basic emergency care, for confinement or medical treatment, or to refuse to administer medical treatment and support any patient’,” lahad ni Dr. Pargas.
Alinsunod sa kasunduan, ang mga ospital na tinukoy ng PhilHealth, ay hindi dapat humingi ng deposito sa mga miyembro ng ahensiya at sa mga dependent ng mga ito na nagpunta sa pasilidad upang magpa-confine. Ito ay para sa parehong emergency at hindi biglaang kaso.
Batay sa kasunduan, pinapayagan din ang mga miyembro ng PhilHealth na ma-confine nang walang babayarang deposito, sa kahit na anong uri ng silid.
Idinagdag pa niya na kalaunan ay hihikayatin ng nasabing kasunduan ang mga pribadong ospital at mga pasilidad na ipatupad din ang kaparehong polisiya, at gawing prioridad ang paggamot sa mga pasyente kaysa isaalang-alang ang kalusugan at kaligtasan dahil sa kakulangan sa pera.
Lumagda sa nasabing kasunduan sina Dr. Ruben Go, medical director ng CDO Polymedic Plaza; Dr. Miguel E. Kho, ng Madonna and Child Hospital; Dr. Jesus M. Jardin, ng Capitol University Medical Center; Dexter R. Garcia, ng Cagayan de Oro Medical Center; Dr. Michael C. Sabal, ng Sabal Hospital; SPC Sr. Mercy Corazon G. Bangot, ng Maria Reyna XU Hospital; at Datu Masiding M. Alonto, Jr., area vice president for Mindanao.
Saksi sa paglagda sa kasunduan sina Cagayan de Oro Mayor Oscar Moreno, Atty. Carlo Franco Thomas Limjoco ng Department of Health-Region 10, City Councilor Dr. Ma. Lourdes S. Gaane, Dr. Jonathan T. Ortigoza na hepe ng Health Care Delivery and Management Division ng PRO-Region 19, at Atty. Ian Alfredo T. Magno, deputy legal officer, PRO-Region 10. - PNA