Nina CHITO CHAVEZ at BETH CAMIA
Isang 18-anyos na bilanggo, na nahaharap sa carnapping at illegal possession of firearms, ang nakatakas kahapon mula sa kanyang selda sa Quezon City Jail.
Kinumpirma ng tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na si Senior Insp. Xavier Solda ang pagkakapuga ni Seldepes Manangquil makaraang akyatin ang spiral na hagdanan at kalapit na pader ng piitan para makatakas.
Disyembre 7 lamang dinala sa Quezon City Jail si Manangquil, na tinutugis na ngayon ng mga awtoridad.
Kaagad namang ipinag-utos ni BJMP-National Capital Region Director Chief Supt. Dennis Rocamora—na napasugod sa Quezon City Jail kahapon ng madaling araw—ang agarang pagsibak sa puwesto at imbestigasyon laban sa mga naka-duty sa tower post, malapit sa nilusutan ni Manangquil.
Kinilala ni Quezon City Jail Warden Ermelito Moral ang pitong suspendidong jail guards na sina Senior Insp. David Jambalos, SJO1 Dominador Zacarias, JO2 Antonio Ravago, JO1 Verdion Sayson, JO1 Ronnie Abugadie, JO1 Jhomer Balila, at SJO4 Remegino Mina.
Sinabi ni Moral na ang suspensiyon ng pito ay magbibigay-daan sa masusing imbestigasyon sa pagpuga ni Manangquil.
“Sisilipin po namin lahat ng tungkol sa pagpuga ni Mananquil, at aalamin din kung mayroon bang pakikipagsabwatan sa pagitan ni Mananquil at mga jail guard,” ani Moral.
“This incident, aside from being totally unacceptable, should send a warning among our colleagues in the field to be more vigilant while guarding their post,” sabi naman ni Rocamora. “I will wait for the result of the investigation but definitely, appropriate charges will be filed against those who lapsed from their duties.”
Umapela rin si Rocamora sa mga kaanak ni Manangquil upang makipagtulungan sa BJMP upang matiyak na ligtas na maibabalik sa piitan ang pugante.
Upang maiwasang maulit ang kaparehong insidente, partikular ngayong holiday season, inatasan ni BJMP Chief Jail Director Deogracias C. Tapayan ang lahat ng jail warden sa bansa na paigtingin ang pagpapatupad ng seguridad sa mga piitan.
“While we are mindful of the influx of visitors this season, all activities must not compromise our security protocols in jails,” ani Tapayan. “Increase the frequency of accounting, check the strength of iron grills of every cell, reinforce all weak points in the facility and alert your guards from time to time especially wee hours to prevent escape incidents.”